Pana-panahon lang Yata

Thursday, April 2, 2009

Anak ng Tipaklong! Nahihilo na talaga ako dito sa 'Merika. Mas mabuti pa sa 'Pinas kung merong isang bagay na predictable... yun ay ang panahon. Pag sinabi ng "Pag-asa-a" na "magiging mainit ang panahon"... siguradong uulan uyn. Kaya nga kahit anong tukso ang lumapit di ako magsasampay ng labada dahil ako rin ang mahihirapang magtanggal non sa sampayan matapos kong isa-isahing lagyan ng sipit ang nakakasilaw sa linis kong mga damit.

Anak ng Tinola! Dito sa 'Merika palibhasa apat ang panahon, kaya pati si Mother Nature eh nahihilo... nag-iisnow sa Spring... umuulan sa Summer... Fall na di pa nalalagas ang mga dahon... at minsan Winter na di pa nagsnow. Buti pa sa 'Pinas isa lang ang palatandaan ng panahon... pag umulan - tag-ulan... pag uminit - tag-init. At kung umulan man sa Summer ok pa rin kasi kahit papano eh lumalamig ang maalinsangang paligid. At kung uminit naman sa tag-ulan bonus yun at least di ko kelangang lumusong sa baha.

Anak ng nakakahilong Panahon! Spring na dito at sa dako pa roon ay Summer naman. Kelangan ko na namang ayusin ang aking cabinet at sa pagpapalit ng panahon magpapalit na naman ako ng mga outfit namin. Buti pa don sa 'Pinas walang dapat palitan. Tag-ulan man o tag-araw... ang payong ko lang ang aking kasama at maaasahan. Dito sa 'Merika kelangang may makapal na coat at insulated boots ka sa Winter, medyo manipis na coat at rubber boots naman sa Spring [dahil sa putikan at basa lagi ang paligid dahil sa natutunaw na snow], sando at tsinelas na ang suot sa Summer, at coat at boots ulit sa Fall.

Anak ng Bota! Hala, reklamo pa. Yun lang naman ang maganda sa pagpapalit ng panahon... di nagbabago ang takbo ng utak ko. Ang tema lang ng reklamo ko ang nagbabago pero reklamo pa rin. Hayyyy, buhay! Miss ko ang 'Pinas! Pero pustahan tayo... pagdating ko don, reklamo rin ang maririnig mo sa akin.

Paunawa: Pasensya na wala na naman akong maisip na isulat. At pag nangyayari uyn, madalas reklamo ang naiisip ko. Siguro dahil na rin ito ng panahon.

Read more...

Gusto kong maging Senador ng Pilipinas!

Thursday, February 5, 2009

Mainit-init pa itong e-mail na natanggap ko sa pinsan ko. Minarapat ko na i-post ito dito dahil magandang inspirasyon ito sa mga Pinoy na gaya ko. Hala, sige pag usapan natin ngayon ang pulitika... ang isyu at tema na nakakapanting ng tenga at nakakalapot ng dugo. Ilabas na ang inyong mga aspirin at calciblock at baka tumaas ang inyong high blood. [hahahaha... mataas na high pa... oh di ba]


ANG SARAP MAGING SENADOR!

Miriam Defensor Santiago was featured in Correspondents last week.

Maganda rin naman ang naidudulot ng pagiging prangka ni Senador Miriam Defensor-Santiago. Ayon kay Santiago, marami ang tumatakbong Senador dahil sa laki ng budget na ibinibigay sa kanila kada buwan.

Lumalabas na P35,000 suweldo nila kada buwan ay pakitang-tao lang sa milyun-milyong budget ng bawat senador. Kada buwan ay may Fixed Monthly Budget ang bawat Senador ng humigit-kumulang P2 Milyon.

Sa opisina pa lang nila ay humigit-kumulang P500,000 ang budget nila sa Maintenance and Operating Expenses (Rental, Utilities, Supplies at Domestic Travels) at P500,000 para sa Staff at Personal expenses. Kaya para makatipid ang ibang Senador, kaunti lang ang staff na kinukuha nila. Nagtataka ka pa kung bakit mayroong mga Ghost Employee?

Bukod diyan, may P760,000 allowance pa sila kada buwan para naman sa Foreign Travel. At ang masakit pa nito, hindi na kailngan i-liquidate ang mga resibo ng mga gastusin 'yan kundi Certification lang ang Requirement.

Heto pa, lahat sila ay Chairman ng mg Komite sa Senado. Ang Committee Chairman ay tumatanggap din ng budget na sinlaki ng tinatanggap ng mga Senador na humigit-kumulang P1 Milyon din! Hindi sila mawawalan ng Komite dahil 24 lang ang ating mga Senador at 37 naman ang Committee sa Senado. There's food for everybody 'ika nga! Lumalabas na doble ang kanilang benepesiyo at kita kapag sila ay nabiyayaan ng Committee Chairmanship.

Sa P200 milyon na Budget para sa Pork Barrel ng mga Senador bawat taon, awtomatikong may 10% na S.O.P. o kita ng Senador na P20 milyon. Ito ang porsiyento na ibinibigay ng mga kontratista sa mga Senador na nagbibigay sa kanila ng mga Infrastructure at Livelihood Project.

Bago matapos ang termino ng isang Senador, kumita na siya ng P100 milyon sa Pork Barrel pa lang. Yung ibang Senador mas gahaman, hindi lang 10% kundi 20 - 30% ang komisyon hinihingi sa mga kontratista.

Pansinin niyo na lang ang pagbabago ng buhay ng ilan sa ating mga Senador simula nang manungkulan sa puwesto. Kung dati ay simple lang ang kanilang pamumuhay ngayon ay nakat ira na sila sa mga eksklusibong subdivision, maraming bahay sa Pilipinas at abroad at mahigit lima ang sasakyan.

Ngayon nagtataka ka pa ba kung bakit gumagastos ng daan-daang milyong piso ang mga Senador sa kampanya para sa isang posisyon na P35,000 lang ang suweldo kada buwan? Bawing-bawi pala ang gastos kapag naupo na!

ANG SARAP MAGING SENADOR! ! !


Oh well, bakit nga ba hindi ko naisipang maging Senador. Bukod sa pagiging Artista sa Pelikula [big time or starlet man] ang pagiging Pulitiko ang isa sa pinaka mabisang karera na tiyak na magpapayaman sa tao. At walang halos pinagkaiba ang 2 career na ito... parehong kelangang makapal ang muka mo... matatag ang loob mo... at di masyadong apektado ang konsyensya mo.

Read more...

Tag-mo-na-rin

Tuesday, January 13, 2009


Ang daming nangyari noong nakaraang buwan. At sa dami... madami ring akong nakalimutang gawin... gaya nitong TAG ng Lolo Buraot ko. [Panawagan: Pasensya na Ingkong bisibisihan talaga ako kaya ngayon ko lang po napaskil ito].

Sa totoo lang di ko alam ang tawag sa TAG na ito pero ilalagay ko na rin. Siguro SMILEY Tag kasi smiley icon eh. At sabi sa post ni Kuyang para daw sa mga senti ito... so sa totoo lang... confused ako. Anyway, lagay ko na rin dahil isa itong malaking karangalan mula sa Anak ni Kulapo.

Ipapasa ko daw rin ito. Ewan ko ba kung pano. Dahil nga napaglipasan na ako... tiyak ung mga gusto kong pasahan nito meron na nito at makakatanggap lang ako ng komento na ganito...


Thanks for thingking of me. I already done this.

Sus... kasi naman bagal kong gumawa. Unahan talaga ang lakaran dito sa blogosphere eh. Pag patay-patay ka... PATAY ka!

Kaya ganito na lang... Hoy Ikaw! Ikaw nga! Bago ka ba? Gusto mo ng TAG? Sige getching mo na. Para sa iyo ito. Link mo ako tapos sabihan mo ako at link din kita. Ayos ba?

Read more...

Kung Bakit Ayaw Ko na ng Snow

Saturday, December 27, 2008


"friend kamusta n? blita ko me snow storm jan s inyo? sosyal k h, d n tonying at diding ang name ng bagyo mo now, at SNOWSTORM n d basta bagyo... he he he... anyway ingat n lang kau jan..."


Yan ang mensahe ng kaibigan ko sa Pinas na natanggap ko sa Testimonials and Comments box sa aking Friendster Account.

Noong una napatawa talaga ako. May punto naman siya eh. Aminin ko man o hindi, lahat ng Pinoy na di pa nakakatapak sa lupain ng milk and honey daw yan ang impresyon. Halos lahat ng taong naninirahan sa parte ng mundo na di nakakaranas ng 4 seasons nangangarap na makakita... makatikim... at magkapaglaro sa snow.

Noong una kong nakita ang snow aminado ako na para akong luka-lukang lumabas ng bahay at pinapanood ang pagpatak ng snow. Para akong sira-ulong kinokodakan ang sarili ko habang paposing-posing na naglalaro kunwari sa snow at tinitiis ang ginaw maging maganda lang ang resulta ng litrato.

Noong una enjoy talaga akong magpala ng sandamakmak na snow at yelo dahil sa isip ko mas sosyal yon kesa mga buhangin at graba ang palahin ko. Kahit pa kadalasan di ako makita ng asawa ko at halos matabunan ako ng snow dahil mas mataas pa sa akin ang snow bank pagkatapos niyang i-plow ang driveway namin.

Noong una nang-iinggit pa ako sa mga kaibigan ko at kamag-anak habang binabandera ko ang sangkatutak na litrato ko sa Friendster na nakaposing sa mala-krismas kard na backdrop. Masaya akong ibandera ang iba't ibang klaseng bota at makukulay na kwantes at bandana gaya ng nakikita ko sa mga foreign magazines.

Noong una talagang happy ako sa snow. Pero ngayong naranasan ko ang snow storm at ice storm... mas mabuti pa para sa akin ang Pinas. Masarap lang pakinggan pero gaya din ng mga bagyo... ang snow at ice storm ay kalamidad na nakapipinsala ng mga ari-arian at buhay ng mga tao.

Noong una favorite kong season ang winter dahil sa ice-fishing, snow-shoeing at snowmobiling. Pero ng maaksidente ako kamakailan dahil sa madulas at nagyeyelong daan dulot ng snow at ice storm at muntik nang di ako umabot ng Pasko!

Ngayon alam ko na kung bakit ang winter ang pinaka-ayaw na season ng mga kano. Hindi lang dahil sa sobrang lamig ng panahon. Hindi lang dahil sa masakit sa katawan ang pagpapala ng snow. Hindi lang dahil sa malaki ang gastos sa heating oil pag winter. Hindi lang dahil nakakatamad magsuot ng patong-patong na damit at maraming labahin. Hindi lang dahil sa kelangang kayurin mo pa ang salamin ng kotse mo para makita mo ang daan pagmamaneho.

Ayoko ko na ng winter dahil hanggang ngayon di pa rin ako makapaniwala na pagkatapos na bumangga ang kotse ko sa pine tree ay buhay pa rin kami ng asawa ko at kapiling ang aming mga mahal sa buhay. Salamat sa aking guardian angel at patnubay ng Diyos dahil alam ko na isang malaking himala na ang sasakyan ko lang ang napinsala. At sa huli, ako'y lubos na nagpapasalamat sa biyaya ng pangalawang buhay na natanggap ko ngayong Pasko.

Read more...

Magpapasko na naman

Friday, December 5, 2008

Magpapasko na naman. Malamig na ang simoy ng hangin kaya siguradong magpapasko na. Noong nasa 'pinas ako, pag ganitong malamig ang simoy ng hangin ramdam ko na ang pasko. Damang-dama ko na ang pasko kahit Setyembre pa lang dahil awiting pamasko na ang pinatutugtog sa radyo... sa jeepney... at maging sa tricycle na nasasakyan ko.

Magpapasko na naman. Malamig na dito sa amin kahit di pa masyadong bumabagsak ang snow. Pero dito sa 'merika kahit ganitong malamig na ang simoy ng hangin di pa rin ramdam ang pasko. Di ko masyadong dama ang pasko dito kasi pangkaraniwan na itong malamig na panahon dito at hindi naman ako nakakarinig ng nagpapatugtog ng awiting pamasko dito kasi walang jeepney at tricycle dito.

Magpapasko na naman. Malamig na sa 'pinas pag ganitong panahon at tiyak dagsa na naman ang mga tao sa Malls dahil sa baratilyo at Midnight Madness Sales. Tiyak ang ganda na naman ang mga dekorasyon sa mga tindahan at maraming ilaw na kumukiti-kutitap. Tiyak marami na namang naglipanang snatchers o mandurukot at inaabangan ang mga tatanga-tangang panic shoppers.

Magpapasko na naman. Malamig na nga dito sa amin at may mga dekorasyon ang mga tindahan kaso wala masyadong namimili. Pano mamimili, walang pambili. Pano mamimili, recession dito ngayon at maraming natanggal sa mga trabaho. Pano mamimili kung walang sweldo. Kahit pa nga araw-araw may sale... wala pa rin masyadong namimili... kasi sale nga... ibig sabihin.... ipinagbibili ang paninda... kelangang magbayad ka.

Magpapasko na naman. Malamig na sa 'pinas at dito sa 'merika. Ngayong pasko dito ulit ako sa 'merika magselebreyt. Di pa ko puedeng umuwi eh. Kaya ngayong pasko selebreyt ko okasyon kasama ang pamilya ko sa 'pinas... sa webcam na lang muna. Buti na rin ito at tipid. Ang ang mga regalo ko download lang nila. Kung kaya nila. hahahaha. Hay, magpapasko na nga.

Read more...

Wagi ang Lola Nyo! Salamat kay La Aunor

Saturday, November 29, 2008

Masarap ang tagumpay. Masarap ang pakiramdam noong una akong nananalo. At mas masarap pala ang pakiramdam ng pangalawa.

Take two na ito. Yep! Sa pangalawang pagkakataon, nakuha na naman ng Lola nyo ang pinakamataas na karangalan sa larangan ng pelikula blagging. Opo. Nanguna na naman po ang blag na ito sa ika-136 na linggo sa Filipino Blog of the Week Award. At Opo ulit. Hall of Fame na po ako. Bwahahahahaha. Sa wakas, feel na feel ko na ang aking tagumpay. Salamat kay TalkSmart para sa pagkakataong ibinigay mo na mapasama ang sa Puso at Isip sa listahan ng mga Blog Awardees. Isa itong karangalan.

At marami na naman akong pasasalamatan:

Unang-una si Ate Guy, ang aking inspirasyon. Ang kanyang mga makabagbag damdaming awitin gaya ng Paru-parung Bukid, na nagpapabalik sa mga masasayang alaala ng aking kamusmusan habang sumasayaw kami ang aking pakner sa ilalim ng init ng araw noong Field Day namin sa school. Ang Pearly Shells, My Little Grass Shack at Tiny Bubbles na pawang paborito kong awitin at mga naging No. 1 sa Billboard noong dekada setenta dahil sa kanyang Blockbuster Movie na Blue Hawaii kapakner si Kuya Pip. Parang sinakluban ng langit at lupa ang mga fans ni Ate Vi at Kuya Bobot noon. Hmmmmm... kaya naman halos isang linggo din ako di kinakausap ng aking bespren noon dahil Vilmanian siya at Noranian ako. Hmmmmmpf ulit. Eh bakit ba, eh sa mas magandang kumanta si Ate Guy kesa kay Ate Vi na boses ipis. Ikaw ba naman ang maging Champion sa Tawag ng Tanggalan Tanghalan at panay ang awit habang nagtitinda ng tubig sa may riles ng tren.

Pangalawa, sa aking Pamilya. Of course, di puedeng di sila pasalamatan dahil full-support sila sa akin. Sila ang araw-araw na bumoboto sa akin dahil wala silang choice mahal nila ako. Dahil pinakabitan ko sila ng internet para lang iboto ako naniniwala sila sa aking kakayahan sa makabagong literatura. Naks! Sa aking Hipag na si Cherry, dahil sa kanyang walang sawang pagnonobena at pagrorosaryo para lang malampasan ko ang pagsubok na ito pagboto sa akin. At sa aking kapatid na si Japol, na nag-file ng leave of absence ng 2 linggo sa kanyang trabaho para lang baybayin lahat ang internet cafe sa buong Menila para lang iboto ako. Dahil isang beses lang puedeng makaboto dahil blocked na agad ang IP Address pagkatapos ng isang boto.

Pangatlo, sa aking milyong-milyong tagasubaybay. Sa mga taong walang sawang tumatangkilik ng aking blag. Sa mga kapwa ko blaggers na bomoto sa akin. Sa mga taong nauto ko naging bahagi ng aking buhay bilang blagger. Sa aking mga dating estudyante na hanggang ngayon ay sumisipsip nagtitiwala pa rin kay Ma'am. Sa aking mga friends sa Friendster [may blag din po ako don, ung Nagging Thoughts], na walang sawa ding nagviview ng aking profile don at mega-comment pa... Tenkyu Guys! You Rock! At para din sa aking mga naging kalaban... inaalay ko rin sa inyo ang award na ito. [Oh ayan, no hurt feelings ha].

Naniniwala ako na mabait ako. Naniniwala ako na isa akong mabuting tao. Naniniwala ako na magaling ako kaya ako nanalo. At syempre gaya ng mga artistang tumtanggap ng Famas Award, nagpapasalamat din ako kay Lord. Nagpapasalamat ako doon sa nasa itaas. Nagpapasalamat ako kay Lord... pero Lord wag mo muna akong kukunin... dahil may siyam pa akong blags!

PATALASTAS: Sa isang linggo baka po si Victor Wood naman ang magiging Guest Artist ko sa aking Jukebox. Sana po ay suportahan natin ang Pinoy Musik!

Read more...

Nitong mga Nakaraang Araw

Monday, November 24, 2008

Nitong mga nakaraang araw, napansin kong puro reklamo at hinaing ang tema ng mga posts ko sa ibang blogs ko. Hindi ko naman sinasadyang maging ganon ang tema ng post ko. Nagkataon lang siguro na masama ang panahon dito sa parte ng mundong kinalalagyan ko kaya nadala na rin ako.

Nitong mga nakaraang araw, di ko mapigilan na ibulalas ang nilalaman ng dibdib ko sa pamamagitan ng pagsusulat. Wala kasi akong makausap dito kaya mabuti na daanin ko na lang sa sulat kesa kausapin ko ang pader. Mahirap na at baka biglang sumagot eh makasanayan kong ang pakikipag-chikahan sa wall at kompitensyahin ko pa ang Kumare kong si Sisa.

Nitong mga nakaraang araw, matindi rin ang pangangailangan ko kaya kahit ano na lang maisipan ko, isinusulat ko. Kahit walang kwenta o walang katuturan sige pa rin ako dahil kailangan ng interim para sa aking mga raket sa paid post. Ang hirap palang mag-isip pag wala kang maisip or worse, wala kang isip.

Nitong mga nakaraang araw, dahil kabi-kabila ang pagsusulat ko para maka-quota ako sa raket ko halos di ko na maramdaman ang utak ko. Sabagay di naman talaga nararamdaman yun, alam mo lang meron ka non [kahit gaano kaliit man ito]. Ang ibig kong sabihin mabuti na lang at kahit papano eh may gana pa akong mag-isip.

Nitong mga nakaraang araw, napagod ako sa pagsusulat kaya ngayon ay balak kong magpahinga. Magpapahinga muna ako sa pagsusulat at pagpopost sa mga blags at ako muna ay magscrapbooking. Para maiba naman. Para kunwari ay bisibisihan pa rin ako. Para kunwari ay talentado ako. Para kunwari ay normal pa rin ako.

Read more...
Blog Widget by LinkWithin

About

My Photo
Ruthi
a frustrated WRITER, a hooked BOOKWORM, a restless TRAVELER, a desperate ARTIST, a faithful FRIEND, a perpetual LEARNER, a learning EDUCATOR, and... a hopeless ROMANTIC.
View my complete profile

Isang Paglilinaw

Dito... dito gusto kong maging malaya. Malayang isiwalat ang laman ng aking PUSO at ISIPAN sa pamamagitan ng mga makabuluhang sulatin. Dito ko malayang isusulat at ibabahagi ang aking mga sarili karanasan, inspirasyon, pagmumuni-muni tungkol sa buhay-buhay at mga hiwaga nito. Dito... tagalog lang po. Maaring may mga ilang kataga o salitang maisusulat ako sa wikang ingles, subalit iyon ay dahil maaring walang kaukulang salitang tagalog na kahulugan para sa salitang ingles. Pero lalagyan ko ng " kudlit " (kung ito nga ang tawag sa simbolong iyon). Dito... maipapahayag ko ng may kapanatagan ng loob ang aking mga adhikain na walang pangamba na mali ang aking pinaggagawa. At dito... inaasahan kong marami akong makikilalang mga kaibigan at mga taong magbibigay sa akin ng inspirasyon sa pagsusulat.

Ang Aking JUKEBOX [Online]

Ang Iba't Ibang kong Karinderya

Home | About | Contact

Copyright © 2008 - sa puso at isip -

All Rights Reserved | Website Customization and Header design by RUTHINIAN

  © Blogger template Leaving by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP