Kung Bakit Ayaw Ko na ng Snow

Saturday, December 27, 2008

"friend kamusta n? blita ko me snow storm jan s inyo? sosyal k h, d n tonying at diding ang name ng bagyo mo now, at SNOWSTORM n d basta bagyo... he he he... anyway ingat n lang kau jan..."


Yan ang mensahe ng kaibigan ko sa Pinas na natanggap ko sa Testimonials and Comments box sa aking Friendster Account.

Noong una napatawa talaga ako. May punto naman siya eh. Aminin ko man o hindi, lahat ng Pinoy na di pa nakakatapak sa lupain ng milk and honey daw yan ang impresyon. Halos lahat ng taong naninirahan sa parte ng mundo na di nakakaranas ng 4 seasons nangangarap na makakita... makatikim... at magkapaglaro sa snow.

Noong una kong nakita ang snow aminado ako na para akong luka-lukang lumabas ng bahay at pinapanood ang pagpatak ng snow. Para akong sira-ulong kinokodakan ang sarili ko habang paposing-posing na naglalaro kunwari sa snow at tinitiis ang ginaw maging maganda lang ang resulta ng litrato.

Noong una enjoy talaga akong magpala ng sandamakmak na snow at yelo dahil sa isip ko mas sosyal yon kesa mga buhangin at graba ang palahin ko. Kahit pa kadalasan di ako makita ng asawa ko at halos matabunan ako ng snow dahil mas mataas pa sa akin ang snow bank pagkatapos niyang i-plow ang driveway namin.

Noong una nang-iinggit pa ako sa mga kaibigan ko at kamag-anak habang binabandera ko ang sangkatutak na litrato ko sa Friendster na nakaposing sa mala-krismas kard na backdrop. Masaya akong ibandera ang iba't ibang klaseng bota at makukulay na kwantes at bandana gaya ng nakikita ko sa mga foreign magazines.

Noong una talagang happy ako sa snow. Pero ngayong naranasan ko ang snow storm at ice storm... mas mabuti pa para sa akin ang Pinas. Masarap lang pakinggan pero gaya din ng mga bagyo... ang snow at ice storm ay kalamidad na nakapipinsala ng mga ari-arian at buhay ng mga tao.

Noong una favorite kong season ang winter dahil sa ice-fishing, snow-shoeing at snowmobiling. Pero ng maaksidente ako kamakailan dahil sa madulas at nagyeyelong daan dulot ng snow at ice storm at muntik nang di ako umabot ng Pasko!

Ngayon alam ko na kung bakit ang winter ang pinaka-ayaw na season ng mga kano. Hindi lang dahil sa sobrang lamig ng panahon. Hindi lang dahil sa masakit sa katawan ang pagpapala ng snow. Hindi lang dahil sa malaki ang gastos sa heating oil pag winter. Hindi lang dahil nakakatamad magsuot ng patong-patong na damit at maraming labahin. Hindi lang dahil sa kelangang kayurin mo pa ang salamin ng kotse mo para makita mo ang daan pagmamaneho.

Ayoko ko na ng winter dahil hanggang ngayon di pa rin ako makapaniwala na pagkatapos na bumangga ang kotse ko sa pine tree ay buhay pa rin kami ng asawa ko at kapiling ang aming mga mahal sa buhay. Salamat sa aking guardian angel at patnubay ng Diyos dahil alam ko na isang malaking himala na ang sasakyan ko lang ang napinsala. At sa huli, ako'y lubos na nagpapasalamat sa biyaya ng pangalawang buhay na natanggap ko ngayong Pasko.

Read more...

Magpapasko na naman

Friday, December 5, 2008

Magpapasko na naman. Malamig na ang simoy ng hangin kaya siguradong magpapasko na. Noong nasa 'pinas ako, pag ganitong malamig ang simoy ng hangin ramdam ko na ang pasko. Damang-dama ko na ang pasko kahit Setyembre pa lang dahil awiting pamasko na ang pinatutugtog sa radyo... sa jeepney... at maging sa tricycle na nasasakyan ko.

Magpapasko na naman. Malamig na dito sa amin kahit di pa masyadong bumabagsak ang snow. Pero dito sa 'merika kahit ganitong malamig na ang simoy ng hangin di pa rin ramdam ang pasko. Di ko masyadong dama ang pasko dito kasi pangkaraniwan na itong malamig na panahon dito at hindi naman ako nakakarinig ng nagpapatugtog ng awiting pamasko dito kasi walang jeepney at tricycle dito.

Magpapasko na naman. Malamig na sa 'pinas pag ganitong panahon at tiyak dagsa na naman ang mga tao sa Malls dahil sa baratilyo at Midnight Madness Sales. Tiyak ang ganda na naman ang mga dekorasyon sa mga tindahan at maraming ilaw na kumukiti-kutitap. Tiyak marami na namang naglipanang snatchers o mandurukot at inaabangan ang mga tatanga-tangang panic shoppers.

Magpapasko na naman. Malamig na nga dito sa amin at may mga dekorasyon ang mga tindahan kaso wala masyadong namimili. Pano mamimili, walang pambili. Pano mamimili, recession dito ngayon at maraming natanggal sa mga trabaho. Pano mamimili kung walang sweldo. Kahit pa nga araw-araw may sale... wala pa rin masyadong namimili... kasi sale nga... ibig sabihin.... ipinagbibili ang paninda... kelangang magbayad ka.

Magpapasko na naman. Malamig na sa 'pinas at dito sa 'merika. Ngayong pasko dito ulit ako sa 'merika magselebreyt. Di pa ko puedeng umuwi eh. Kaya ngayong pasko selebreyt ko okasyon kasama ang pamilya ko sa 'pinas... sa webcam na lang muna. Buti na rin ito at tipid. Ang ang mga regalo ko download lang nila. Kung kaya nila. hahahaha. Hay, magpapasko na nga.

Read more...

Wagi ang Lola Nyo! Salamat kay La Aunor

Saturday, November 29, 2008

Masarap ang tagumpay. Masarap ang pakiramdam noong una akong nananalo. At mas masarap pala ang pakiramdam ng pangalawa.

Take two na ito. Yep! Sa pangalawang pagkakataon, nakuha na naman ng Lola nyo ang pinakamataas na karangalan sa larangan ng pelikula blagging. Opo. Nanguna na naman po ang blag na ito sa ika-136 na linggo sa Filipino Blog of the Week Award. At Opo ulit. Hall of Fame na po ako. Bwahahahahaha. Sa wakas, feel na feel ko na ang aking tagumpay. Salamat kay TalkSmart para sa pagkakataong ibinigay mo na mapasama ang sa Puso at Isip sa listahan ng mga Blog Awardees. Isa itong karangalan.

At marami na naman akong pasasalamatan:

Unang-una si Ate Guy, ang aking inspirasyon. Ang kanyang mga makabagbag damdaming awitin gaya ng Paru-parung Bukid, na nagpapabalik sa mga masasayang alaala ng aking kamusmusan habang sumasayaw kami ang aking pakner sa ilalim ng init ng araw noong Field Day namin sa school. Ang Pearly Shells, My Little Grass Shack at Tiny Bubbles na pawang paborito kong awitin at mga naging No. 1 sa Billboard noong dekada setenta dahil sa kanyang Blockbuster Movie na Blue Hawaii kapakner si Kuya Pip. Parang sinakluban ng langit at lupa ang mga fans ni Ate Vi at Kuya Bobot noon. Hmmmmm... kaya naman halos isang linggo din ako di kinakausap ng aking bespren noon dahil Vilmanian siya at Noranian ako. Hmmmmmpf ulit. Eh bakit ba, eh sa mas magandang kumanta si Ate Guy kesa kay Ate Vi na boses ipis. Ikaw ba naman ang maging Champion sa Tawag ng Tanggalan Tanghalan at panay ang awit habang nagtitinda ng tubig sa may riles ng tren.

Pangalawa, sa aking Pamilya. Of course, di puedeng di sila pasalamatan dahil full-support sila sa akin. Sila ang araw-araw na bumoboto sa akin dahil wala silang choice mahal nila ako. Dahil pinakabitan ko sila ng internet para lang iboto ako naniniwala sila sa aking kakayahan sa makabagong literatura. Naks! Sa aking Hipag na si Cherry, dahil sa kanyang walang sawang pagnonobena at pagrorosaryo para lang malampasan ko ang pagsubok na ito pagboto sa akin. At sa aking kapatid na si Japol, na nag-file ng leave of absence ng 2 linggo sa kanyang trabaho para lang baybayin lahat ang internet cafe sa buong Menila para lang iboto ako. Dahil isang beses lang puedeng makaboto dahil blocked na agad ang IP Address pagkatapos ng isang boto.

Pangatlo, sa aking milyong-milyong tagasubaybay. Sa mga taong walang sawang tumatangkilik ng aking blag. Sa mga kapwa ko blaggers na bomoto sa akin. Sa mga taong nauto ko naging bahagi ng aking buhay bilang blagger. Sa aking mga dating estudyante na hanggang ngayon ay sumisipsip nagtitiwala pa rin kay Ma'am. Sa aking mga friends sa Friendster [may blag din po ako don, ung Nagging Thoughts], na walang sawa ding nagviview ng aking profile don at mega-comment pa... Tenkyu Guys! You Rock! At para din sa aking mga naging kalaban... inaalay ko rin sa inyo ang award na ito. [Oh ayan, no hurt feelings ha].

Naniniwala ako na mabait ako. Naniniwala ako na isa akong mabuting tao. Naniniwala ako na magaling ako kaya ako nanalo. At syempre gaya ng mga artistang tumtanggap ng Famas Award, nagpapasalamat din ako kay Lord. Nagpapasalamat ako doon sa nasa itaas. Nagpapasalamat ako kay Lord... pero Lord wag mo muna akong kukunin... dahil may siyam pa akong blags!

PATALASTAS: Sa isang linggo baka po si Victor Wood naman ang magiging Guest Artist ko sa aking Jukebox. Sana po ay suportahan natin ang Pinoy Musik!

Read more...

Nitong mga Nakaraang Araw

Monday, November 24, 2008

Nitong mga nakaraang araw, napansin kong puro reklamo at hinaing ang tema ng mga posts ko sa ibang blogs ko. Hindi ko naman sinasadyang maging ganon ang tema ng post ko. Nagkataon lang siguro na masama ang panahon dito sa parte ng mundong kinalalagyan ko kaya nadala na rin ako.

Nitong mga nakaraang araw, di ko mapigilan na ibulalas ang nilalaman ng dibdib ko sa pamamagitan ng pagsusulat. Wala kasi akong makausap dito kaya mabuti na daanin ko na lang sa sulat kesa kausapin ko ang pader. Mahirap na at baka biglang sumagot eh makasanayan kong ang pakikipag-chikahan sa wall at kompitensyahin ko pa ang Kumare kong si Sisa.

Nitong mga nakaraang araw, matindi rin ang pangangailangan ko kaya kahit ano na lang maisipan ko, isinusulat ko. Kahit walang kwenta o walang katuturan sige pa rin ako dahil kailangan ng interim para sa aking mga raket sa paid post. Ang hirap palang mag-isip pag wala kang maisip or worse, wala kang isip.

Nitong mga nakaraang araw, dahil kabi-kabila ang pagsusulat ko para maka-quota ako sa raket ko halos di ko na maramdaman ang utak ko. Sabagay di naman talaga nararamdaman yun, alam mo lang meron ka non [kahit gaano kaliit man ito]. Ang ibig kong sabihin mabuti na lang at kahit papano eh may gana pa akong mag-isip.

Nitong mga nakaraang araw, napagod ako sa pagsusulat kaya ngayon ay balak kong magpahinga. Magpapahinga muna ako sa pagsusulat at pagpopost sa mga blags at ako muna ay magscrapbooking. Para maiba naman. Para kunwari ay bisibisihan pa rin ako. Para kunwari ay talentado ako. Para kunwari ay normal pa rin ako.

Read more...

Panalo ang Lola nyo!

Saturday, November 22, 2008

Hay, pagkatapos ng isang linggong pangangampanya, lumabas na rin ang resulta ng botohan... panalo ako. Yehey! Ganito siguro ang feeling ni Obama noong nalaman niyang nanalo siya bilang Presidente ng 'merika.

Hay, pagkatapos ng isang linggong pagmamakaawa sa mga tao na iboto ako, heto at namamayagpag ang beauty ko... nanalo ako. Yehey! Ganito siguro ang pakiramdam ni Ate Guy noong humahakot siya ng Famas Award.

Hay, pagkatapos ng isang linggong pagngangalumata dahil di ako makatulog sa kakaisip, ayan at inilabas na desisyon... panalo nga ako. Yehey! Ganito siguro ang damdamin ni Freddie Aguilar kaya luwa ang kanyang mata [laging puyat or may iba pang siyang ginagawa].

Hay, pagkatapos ng isang linggong botohan eto naman ako at magpapasalamat sa mga taong pinagkakautangan ko ng loob... dahil nanalo nga ako. Yehey! Maraming salamat sa mga taong nagmamahal sa akin... sa mga taong naniwala sa aking kakayahan... sa mga taong aking binayaran, tinutukan ng baril, at natrauma sa aking pamba-blackmail... at sa aking pamilya sa walang sawang pangungulit ko... kay Ricky Reyes para sa aking hair do... at sa baul ng lola ko para sa aking outfit... at higit sa lahat kay TalkSmart para sa natatanging Award na ito... ang Filipiono Blog of the Week. [Applause]

Hay, pagkatapos ng isang linggong botohan eto na naman ako at mangangampanya na ulit... dahil gusto ko uling manalo. Yup! Kasali po ulit ako para sa pangalawang linggo. Yup! Todo na po ito. Pang HALL of Fame naman po ang drama ko ngayon. Kaya PLEASE LANG PARANG AWA NYO NA IBOTO NYO AKO! ang entry ko ay "ruthigavargregoire" at ito yon... itong blog na binabasa nyo ngayon ang entry ko... kaya please pa-boto naman ulit oh. Eto ung link i-click nyo... nasa "side bar" po ang POLL nakalagay VOTE NOW! Ako ang nangunguna sa listahan kaya madaling hanapin. Salamat po ulit.

[Yun lang Direk! CUT! Pack-up na tayo.]

Read more...

Nakakamiss si Pogi

Wednesday, November 19, 2008

Hayyy... buhay! Ang hirap pala talaga ng buhay dito sa 'merika. Sabagay kahit naman noong nasa 'pinas ako alam ko namang mahirap dito. Ang problema lang kasi noon di ko nararanasan pa kaya sa isip ko okay lang. Sa isip ko kakayanin ko. Sa isip ko kayang-kaya ko. Di pala.

Hayyy... buhay! Buti pa sa 'pinas pag tambak na ang labada ko di ako aburido. Kumpas lang ng magic wand ko ayos na ang labada. Ang ibig kong sabihin, tatawag lang ako ng labandera, di ko na problema pati plansta.

Hayyy... buhay! Ang bahay kahit di ko linisin okay lang din. May darating para maglinis. Minsan puede rin ang mga estudyante kong babaksakin ang maglinis. Pabor sa kanila yon dahil special project yun kay Ma'am para di mahulog at pumasa sa subject. Pero wag namang isiping sinamantala ko ang kapangyarihan ko. Naisip kong gawin yun minsan pero... peksman, di ko ginawa. Nakakakunsyensya kasi.

Hayyy... buhay! Sa 'pinas pag muka ng talahiban ang aming bakuran, may "Poging" [Pogi ang pangalan ng hardenero ko] magtatabas bago ko matagpuan ang sarili kong nakikipagpatintero sa mga ahas. Si Pogi na rin ang magkudkod ng lumot sa semento at hagdanan bago ako magkandahulog sa hagdan suot ang aking 3 pulgadang stiletto. Si Pogi na rin ang taga walis at taga sunog ng mga dahon.

Hayyy... buhay! Nakakamiss ang maging donya... miss ko ang spa... at higit sa lahat miss ko yung pakuyakuyakoy at di iniisip ang gawaing bahay. O sya... makapaglaba na nga at pagkatapos ay magwawalis pa ako ng sandamakmak na tuyong dahon ng maple trees. Nakakamiss talaga si Pogi [kahit di siya kapogian].

Read more...

Kagat na ang Dilim

Monday, November 17, 2008

Kagat na ang dilim pero alas singko pa lang ng hapon. DST na kasi kaya iba na ang oras ng pagsikat at paglubog ng araw.

Kagat na ang dilim at medyo malamig na ang simoy ng hangin. Malapit na ring magyelo kaya ang damuhan ay di na kasing-berde gaya ng dati.

Kagat na ang dilim at habang lumalalim ang gabi, lalong paginaw ng paginaw ito. Ito yung panahon na makakatipid kami sa tubig dahil nakakatamad maligo.

Kagat na ang dilim at puro huni ng kuwago ang naririnig ko sa paligid. Nakakatamad ng lumabas ng bahay pag ganitong gabi di gaya noong summer alas otso na ng gabi may araw pa.

Kagat na ang dilim, kelangan nang pumirmi ng bahay. Kagat na ang dilim, makapasok na nga at baka ako makagat!

Read more...

Namiss ko ang mga Patay

Thursday, November 6, 2008

Namiss ko ang mga patay kasi magdadalawang taon na ako dito sa Maine. Ito ang pangalawang taon ko na di ako naging abala sa pagbili ng kandilang iba-iba ang kulay... iba-iba ang hugis... iba-iba ang amoy.

Namiss ko ang mga patay kasi ito ang pangalawang taon na di ako nag-aatubiling bumili ng mga bulaklak. Ito ang pangalawang taon na di ako nahirapang magdisisyon kung rosas ba o deysi... kung orkids ba o karnesyon... kung bokey ba o nakabasket ang bulaklak na bibilhin ko.

Namiss ko ang mga patay kasi ngayon lang ako di namuroblema kung nalinisan na ba ang puntod... kung nakapagpailaw na ba [tiyak na tumaas na naman ang singil sa pailaw dahil tiyak nagtaas na naman ang Meralco]... kung nakapagpamisa na ba para sa kaluluwa.

Namiss ko ang mga patay kasi ito ung mga panahon na masaya sa sementeryo. Ito ung mga panahon na dumarating ang aking mga kamag-anak na matagal na di ko nakikita. Mga kamag-anak na nakikita ko lang pag may ililibing na kamag-anak na namatay o papatayin pa lang [ehe, mamamatay pa lang]. Ito rin ang panahon na naa-update ako sa mga tsismis ng aking mga kamag-anak at pinagkukwentuhan ang mga di masyadong ka-bati na kamag-anak.

Namiss ko ang mga patay kasi masaya ang Araw ng mga Patay. Kung paano masaya ako pag may lamay dahil may libreng kape, kornik, chippy, white rabbit at ang favorite ko... pemiento sandwich at Hi-C na juice. Pag ganitong Araw ng mga Patay... marami ding pagkain at inumin. Minsan may kantahan din.

Bigla kong namiss ang mga patay kasi nabasa ko sa blag ng Anak ni Kulapo... ung post niya na Patay Tayo Dyan. Nalungkot akong bigla kasi dumaan ang Undas at di ko na naman naranasan ang pinakapaborito kong Holiday. At higit sa lahat... nalungkot ako dahil wala akong pera. Kaya ng nabasa ko sa blag ni Buraot na may paeklat siyang SikatChupoy hala nakisali na rin ako. Opo! Bigla kong namimiss ang mga patay pag ganitong wala akong kapera-pera. Kaya eto at gumagawa ako ng pera dahil pag nanalo ang post kong ito na "Official Entry to the SikatChupoy Contest"... magkakapera ako dahil may premyo daw ito. Sana nga. Sana nga totoo ito. [Sana di manunuba si Buraot.]



Bigla kong namiss ang mga patay kasi dito sa Isteyt walang kabuhay-buhay ang Araw ng mga Patay. Dito walang katao-tao sa sementeryo... puro patay lang. Di gaya sa atin sa Pinas magkakajamming ang mga buhay at patay. Mas mahalaga sa mga Kano ang Halloween at magsuot ng mga nakakatakot o nakakatawang costumes. Mas mahalaga sa kanila ang magdecorate ng pumpkin at kumain ng pumpkin pie at mamudmod ng tsokoleyts. Tama si Buraot, ng sinabi niya sa post niya...

Na-miss ko tuloy ang undas sa atin. Kasi sa atin, parang picnic sa sementeryo. Me wala pang videoke. Wantusawa din sa tanpuluts. At di mo na rin kelangan pang gumastos ng milyun milyung singkong kulot. Me lapad ka lang at baong wento, katalo na. Enjoy ka na, tipid ka pa.

San ka pa?



Nakakamiss talaga ang mga patay. Pero sana huwag muna ako mamatay.

Read more...

Ganito Kita Kamahal


Asus, wag naman isipin na wala na akong maisulat dito. Bisi-bisihan po ako nitong mga huling araw at kabado sa magiging resulta ng eleksyon dito sa 'merika bagama't di naman ako botante. Wala lang. Siguro dala ng pagiging damdaming Pinoy.

Eniwey, eto at may nagpadala sa akin ng "Award"... na tag ba kamo ako. Para kay Rechie ng My HideAway... salamat Amiga. Isang karangalan ang makatanggap ng iyong pagMamahal. Drama ko noh? Aba masaya ako noh, kahit papano eh napansin ang blag ko. Kahit papano eh may nagtiyaga sa blag ko. At kahit papano ay may silbi rin itong blag ko kahit pa ito ay pasahan ko lang ng mga reklamong di ko masabi o maisulat sa English.


May rules pa ang nasabing award na ito. Idikit ang pangalan ng taong nagMAHAL sa'yo ('yung nagbigay ng award sa'yo). Ilathala sa blag mo. Igawad ang nasabing award sa pitong taong MAHAL mo. At ipaalam sa kinauukulan mga taong ginawadan ng award na sila ay nakatanggap nito.

At para ikalat ang pagMamahal... eto at ipapasa ko ang award na ito sa mga seryosong blaggers na nakilala ko dito sa lupain ng blags. Mga blaggers na nagbigay sa akin ng inspirasyon. Mga blaggers na mistulang bayani sa mundo ng blags.


Anak ni Kulapo. Bago ko lang itong nakilala pero "at home" ako dito eh. San ka pa Pinoy na Pinoy. Kaya pag namimiss ko ang Pinas, dito ako tumatakbo. Magaling magsulat ni Buraot, napag-iisip niya ako at nagagamit ko ang utak ko paminsan-minsan pag nababasa ng kanyang mga lathala.

Toilet Thoughts of a Toxic Mind. Enjoy din akong tumambay dito. Isa ito sa mga una kong nakilala dito at magaling magsulat si Jepoy. Seryoso minsan pero may hint ng witty humor. Malalim ang imahinasyon ng taong ito.

Klitorika. Siya ang salamin ng bagong babae. Siya ang makabagong babae. Siya ang kakaibang babae. Magaling ding magsulat ang Babaeng ito. Matapang ang mga pananaw at independent-minded. Isa siyang matatag na babae na di kailangan ng isang lalake para umikot ang kanyang mundo... dahil nasa DNA din niya iyon.

All Best of the Philippines. At siyempre ito gusto ko rin kasi Pinoy. Lahat ng magagandang lugar sa Pinas nandito. Mga lugar na di ko pa nararating at pinapangarap na marating. Dito ako nakakakuha ng ideya kung saang lugar ang susunod na lakwatsa.

The Life of an Oregano Addict. Etong si Piebuko paborito kong puntahan ang blag nito pag gusto ko ng intriga. Masayang magsulat ito. Magaling magpaapoy ng damdamin kaya grabe naman ang mga comments sa post niya pero, puro naman Anonymous... mga walang lakas ng loob na magpakilala. Pero promise, magaling nitong magsulat maadik ka rin.



Mad about FAD. Eto loves ko. Kasi kamag-anak ko ito. Pasensya kung ginamitan ko ng nepotismo ang blag na ito. Blag ng utol ko ito. Siyempre utol eh so mahal ko talaga ito. Dito ko nabubuking kung ano na naman ang pinagkakagastusan ng utol ko. Dito buking siya pag may bago siyang biniling gadgets or may bagong gimik. Kaya madalas kong masabon ito eh.

Ang Bukal. Eto gawa kong blag para sa mga dati kong estudyante. Dadalawa pa lang ang nakasulat dito kasi walang nagsasabmit ng entry eh. Mahal ko ito dahil ako ang gumawa nito eh. Sana pasyalan nyo ng magkatraffic naman.

O sya... hayan na lahat. Para sa mga kinauukulan kung interasado kayo sa mga ibinigay kong award daklutin nyo na. Bahala na kayo kung pano nyo isulat ito. Kanya-kanyang gimik na ito. Kung hindi at di ninyo type... no problemo... no hurt feelings. Di ako pusong mamon. Ang gusto ko lang sabihin, buti na lang may ganitong award-awaran at kahit papano eh may naisulat ako dito.

Read more...

Si Tatay

Thursday, October 30, 2008

1980 ako ipinanganak. Tatlong taon bago pinatay si Ninoy Aquino at anim na taon bago ang EDSA uprising. Taon ding ito nang nagkaroon ng malaking krisis sa langis ang buong mundo. P24.00 ang palitan ng dolyar sa piso at 48 milyon na ang populasyon ng Pilipinas. Ito rin ang taong unang pumunta ng Middle East ang tatay ko para magtrabaho.

Isang karpintero ang Tatay. Isang skilled worker. Malaki ang pangangailangan ng bansang pupuntahan ni Tatay sa mga katulad niya. Sabi ng Nanay mahirap daw ang buhay noong mga panahong iyon. Inabot na raw ang bansa ng economic depression na galing sa Europa at Amerika. Kaya minabuti ng Tatay na mag-abroad. Anupa't dalawa ang pinag-aaral niya at may bago na naman siyang bibig na pakakainin.

Parating pinapaalala sa amin ng Nanay na "nagtiis kaming magkahiwalay ng tatay ninyo para magkaroon tayo ng maginhawang buhay." Palibhasa'y parehas galing sa hirap, kaya siguro ganoon na lamang ang pananaw nila. Uuwi kada dalawang taon, tapos aalis na ulit pagkalipas ng dalawang buwan. Ganyan ang pattern ng buhay ng tatay ko.

Pumutok ang giyera sa Middle East noong 1989. Doon ko unang narinig ang mga salitang Operation: Desert Storm at Third Anti-Christ. Nandoon din si Tatay. Isang beses lamang siya nakatawag sa loob ng tatlong taon niyang pagkaka-stranded sa bansang iyon. Mabuti naman daw ang lagay niya. May tirahan naman daw sila at husto sa lahat ng pangangailangan. Hindi naman daw sila gagalawin sa giyera sabi ng embahada ng Pilipinas dahil hindi naman daw sila kasali sa awayan ng dalawang bansa at ng pakialamerong Amerika. Iyon naman pala eh, bakit ka pa rin nandyan?! Na-imagine ko na lang tuloy ang Tatay na parang isa sa mga sibilyan na dumadaan habang nakikipagbarilan ako sa larong Operation: Wolf sa SM City. Nang mahawi ang mga usok ng giyera umuwi na ang Tatay. Wala pang isang taon ay nakita ko na naman ang aking sarili na nakasakay sa arkiladong dyip para ihatid ang Tatay sa Airport papuntang Middle East . Ikaw ba naman ang magkaroon ng pinag-aaral na nurse, isang seminarista at tatlo pa sa elementarya. Kailangang kumayod, kailangang kumita.

Kung tutuusin maraming na-miss ang Tatay sa buhay naming magkakapatid, lalo na sa akin. Wala siya nang una akong magtalumpati sa entablado. Wala din siya nang grumadweyt ako ng elementarya at hayskul. Wala siya nang una akong nakipagsuntukan sa kaklase ko nang inasar ako nito habang binibigay ko ang libreng plastic na singsing na galing sa cheese curls sa kaklase kong babae. Wala din siya para turuan akong magbasketbol tulad ng ginagawa ng mga kapitbahay ko sa kanilang anak. Wala rin siya para panoorin si Kuya na contestant sa Student Canteen at ako naman para sabitan niya ng medalya para sa mga math competition na sinalihan ko. Wala siya nang dumating ako sa punto ng aking buhay, na siya ring kinakatakutan ng lahat ng katulad kong nagbibinata- -ang magpatuli. Wala rin siya para turuan akong maglanggas. Wala siya nang kauna-unahang lumabas ang pangalan ko sa dyaryong pang-estudyante bilang isang editor. Ipinagtabi ko siya ng mga kopya para maipagmalaki sa kanyang pagdating. Wala siya nang una akong tumikim ng alak dahil binasted ako ng dinidigahan kong babae. Wala rin siya nang sumubok akong manigarilyo at itapon ito pagkatapos ng dalawang hithit pa lang. Wala siya, wala siya parati.

Napansin ko na lamang na mas naiibuhos naming magkakapatid ang oras naming sa labas ng bahay at sa eskwelahan. Ang Ate ay kagawad ng Sangguniang Kabataan, ang Kuya naman ay matagal nang kinuha ng seminaryo, ang dalawa kong kapatid ay may mga sarili nang kina-career at ako naman ay natutuon sa aking pagsusulat.

Dumating ang isa sa pinakamasayang araw ng buhay ko, ang pagdating ng Tatay at sabihing ito na ang huli niyang uwi dahil hindi na siya babalik ulit sa abroad.

Makalipas ang ilang buwan, trinangkaso ang Tatay. Sabi ng doktor ay overfatigue lang daw at kailangan niyang magpahinga. Pagkaraan nang ilang buwan, na-diagnose na may tumubong tumor sa utak ng Tatay at malignant na ito. Minsan naitanong sa akin ng uncle kong doktor kung nauntog ba ang Tatay o nabagsakan ng mabigat na bagay sa ulo. Nahihiyang ngiti, kamot sa ulo at isang "hindi ko po alam" lang ang naisagot ko.

Kung gaano kabilis na nadiskubre ang tumor niya sa utak ay ganun din kabilis na binawi sa amin ng Diyos ang Tatay. Habang pinagmamasdan ko ang Tatay habang mapayapa itong nakahimlay noong burol niya, nahihirapang tumulo ang luha ko. Kung tutuusin, hindi ko kilala ang taong ito. Siya ang tatay ko. Kalahati ng pagkatao ko ay galing sa kanya. Pero kung tatanungin mo ako kung anong gusto niyang timpla ng kape, kung allergic ba siya sa hipon na paborito ko, kung San Miguel o Purefoods ba ang team niya sa PBA--isang malaking EWAN lang ang maisasagot ko sa iyo. Noong bata pa ako, nasa abroad ang Tatay. Kapag nandito naman siya para magbakasyon, mas malaking oras ang nagugol niya sa pag-aasikaso ng mga papeles niya para sa susunod niyang pag-alis. Nang tumigil na siya sa pagtatrabaho, ako naman ang abala sa mga reports, periodical examinations at mga research works. Nang nasa ospital na siya, kahit makipagkuwentuhan ay mahirap nang gawin dahil halos hindi na siya maintindihang magsalita dulot ng chemotherapy.


Matagal nang patay ang Tatay. Minsan nabalitaan kong dumating na ang seaman na tatay ng boss ko, pilit ko siyang pinauuwi nang maaga. Minsan ding buong kawilihan kong pinagmamasdan ang isang kaibigan ko na nagmamadali dahil baka masaraduhan na siya ng grocery. Kailangan niyang makabili ng ingredients ng spaghetti dahil 'yun daw ang bilin ng tatay niyang na-stroke. Minsan rin nang makainuman ko ang matalik kong kaibigan habang binubuhos niya sa akin ang sama ng loob niya sa pagbabalik ng tatay niya na malupit sa kanila nang mahabang panahon at ipinagpalit sila sa ibang babae. Sa tingin ko lang, "Buti ka pa nga may Tatay pa." Syempre hindi ko sinabi iyon sa kanya. Baka mamaya tanungin pa niya ko kung kanino ako kampi, kami pa ang mag-away. Minsan din sinamahan ko ang kababata ko nang dinalhan niya ng pansit ang tatay niya sa City Jail. Hindi naman sila nagtatanong kung bakit ako ganun. Wala naman silang alam kay Tatay.

Maraming pagkakataon na nanghihinayang ako dahil masyadong maaga ang paghihiwalay namin ng Tatay. Gusto kong sisihin ang Pilipinas dahil napakahirap ng buhay dito. Sa Amerika ba may tatay na nangingibang- bansa para makapagtrabaho lang? Naisip ko tuloy na sumama na lang sa mga nagpipiket na mga migrante dahil alam ko tulad ko rin sila. Kadalasan rin sinisisi ko si Saddam Hussein at ang Gulf War dahil kinuha nila ang tatlong taon sa buhay ng Tatay. Sayang ang tatlong taong iyon. Nakalaro ko man lang sana ang Tatay ng basketbol o di kaya'y naturuan niya akong mag-bike. (Beinte anyos na ko nang matuto mag-bike).

Isa sa mga klase ko sa writing ang nagpasulat sa amin ng kahit ano tungkol sa aming mga tatay, samahan pa ng larawan kung maaari. Bigla tuloy akong nalito. Hindi ko alam kung anong tungkol sa Tatay ang isusulat ko. Ikuwento ko kaya na isang Overseas Contract Worker si Tatay. Isang bagong bayani. Nag-aambag ng malaki sa ekonomiya ng Pilipinas. Sabihin ko kayang may larawan ng tatay kong may suot na hard hat na dilaw, construction boots at may hawak na drill at kasama niyang nakangiti ang mga kapwa niyang Pilipino with matching background na disyerto. O kaya ang larawan nilang magkakababayan habang pinagdiriwang nila ang New Year at nag-iiyakan dahil tinutugtog and Lupang Hinirang. Ang drama no?

Kuwento ko kaya na isang survivor ng Gulf War ang Tatay. Na natutulog siya at ipinaghehele ng mga Patriot at Scud Missiles. Pakita ko kaya ang mga remembrance ng Tatay na mga dull na landmines. Adventure naman ang dating nito.

Kuwento ko kaya kung paano hindi nagpabaya ang Tatay sa pagbibigay ng pangangailangan namin.. Hindi kami sumasala sa pagkain, may magagandang damit, maayos na tirahan at nakakapag-aral. Siya ay naging isang good provider. Siguro isang malalim na buntong hiningang "Haaaaaay!" ang ibibigay sa akin ng mga kaklase ko.

O di kaya'y dalhin ko ang picture ni Tatay habang kini-chemotherapy siya. Ikwento ko din kaya na naging mabilis ang lahat ng mga pangyayari. Na inoperahan siya sa loob ng walong oras at binutasan ang ulo niya. Na nakalabas pa siya ng ospital. Pagkatapos ng isang linggo, agad siyang namatay. Tragic naman ang approach ko nito.

Gayahin ko kaya ang kuwento sa telebisyon na tipong galit na galit sa mundo ang anak dahil hindi ito nabigyan ng sapat na atensyon dahil inuna ng kanilang tatay ang pinansyal nilang pangangailangan. Teka, hindi naman totoo yon eh! Napaka-unfair naman 'nun kay Tatay.

Ikuwento ko na lang kaya ang isa sa mga magagandang alaala namin kay Tatay. Apat na taon ako noon. Malinaw na malinaw pa sa alaala ko ang pangyayari. Kadarating lamang ng Tatay pagkaraan ng dalawang taon. Nagkaroon ng simpleng party sa bahay. Kainuman niya ang mga kumpare niya nang tumayo siya at binuhat ako mula sa kuna ko habang pinaglalaruan ko ang bagong matchbox na pasalubong niya sa akin. Inutusan niya ako na ikuha siya ng beer sa refrigerator. Pagkakuha ko ng beer ay kinandong niya ako at buong pagmamalaki na ibinida sa mga kumpare niya na natanggap na raw ako sa local na Day Care Center dahil abot na ng kanang kamay ko ang aking kaliwang tenga kahit idaan pa sa ibabaw ng ulo ko at matatas na ako magsalita at madali raw akong matuto. Matagal din akong nanatili sa pagkakandong niya. Mistula siyang bagong dating na hari na suot-suot ang kanyang korona. Ako ang kanyang korona.

Kapag naaalala ko ito, napapawi ang lahat ng panghihinayang ko sa mga taong kailangan niyang magtrabaho at mawala sa piling namin. Mga panahong kasama ng mga tatay nila ang mga anak nila. Ito na lang ang isusulat ko. Bago ang lahat, pupunasahan ko muna ang mga luha ko at ang patulo ko ng sipon.. Baka mapatakan pa ang keyboard ng computer at ang hawak kong picture. Picture ng isang paslit na may hawak na bote ng beer habang kandong ng tatay na kitang-kita ang kasiyahan sa mukha.


SUBJECT: Si Tatay... An Essay-Writing Constest Winner


HINDI AKO ANG NAGSULAT NG NABASA NINYONG TALATA!!! Isang Paglilinaw lang.

Kanina pagbukas ko ng aking inbox para i-check ang aking e-mails... natagpuan ko ang e-mail na ito padala ng isa kong dating estudyante na nagtatrabaho sa Dubai. Nang mabasa ko ang title, naintriga ako kaya binasa ko ang buong e-mail [na sa totoo lang ngayon ko lang ginawa kasi di ako masyadong nagbabasa ng mga e-mail na forwarded at ung mga chain-emails.] Medyo naantig ang damdamin ko dahil kahit papaano nakakarelate ako sa istorya dahil ang Tatay ko ay isa ring OFW. Medyo may pagkahawig ang kwento ng buhay namin maliban sa ilang detalye gaya ng... Seaman ang Tatay ko at hindi OFW sa Middle East... atake de corazon ang kinamatay ng Tatay ko at hindi tumor sa utak [at nakapiling pa namin siya ng matagal noong siya ang magretired sa pagiging seaman]... taon-taon siyang umuuwi... 3 lang kaming magkakapatid... at mas matanda ako sa nagsulat ng talata [di ko na lang ilagay dito ang taon ng kapanganakan ko at medyo nakakahiya]. Sayang nga lang at walang nakasulat na pangalan kung sino talaga ang nagsulat nito... eh di sana na-acknowledge ko siya sa kanyang galing sa pagsusulat.

Naisipan kong ilagay ito dito parang tribute na rin sa sarili kong Ama. Malapit na naman kasi ang Undas... at sa pangalawang pagkakataon... di ko siya matirikan ng kandila sa puntod nila ng Nanay dahil nandito nga ako sa America. Sana kahit papano sa inyong mga makababasa... kung may mga ama pa kayo sana mabigyan ninyo ng kaukulang pagninilay ito.
Syangapala... Hoy! Ikaw! Kung sino ka man na nagsulat nito... paki-contact mo ako at ng mailagay ko naman ang pangalan mo sa dulo. At kung kilala nyo ang nagsulat nito... kontakin nyo ako ha. Salamat.

Read more...

Eleksyon: Anong pagkakaiba?

Friday, October 17, 2008

Wala rin palang ipinagkaiba ang takbo ng eleksyon dito sa America at sa Pilipinas. Pareho lang pala na may mga Kandidato. hahahaha. Syempre... eleksyon eh... kaya dapat lang na may Kandidato, diba?

Walang pinagkaiba ang eleksyon dito sa America at sa Pilipinas. Pareho lang din na siraan ang maririnig mo sa parehong partido. Kanya-kanyang hanapan ng butas sa isa't-isa. Kanya-kanyang palabasan ng mga baho ng isa't-isa. At kanya-kanyang panlilibak sa isa't-isa.

Wala talagang pinagkaiba ang eleksyon dito sa America at sa Pilipinas. Pareho lang na magagaling silang magbuhat ng sari-sariling bangko. Eh saan ka pa... syempre kanya-kanyang buhat ng kanya-kanyang bangko. Papayag ka bang buhatin ng iba ang bangko mo? Syempre hindi kasi baka ihataw ang bangko mo sa pader eh di masisira kaya bangko mo... buhat mo. Yan ang magandang "slogan" para sa mga tunay na Kandidato.

Walang pagkakaiba ang eleksyon dito sa America at sa Pilipinas. Lahat ng Kandidato maraming plano para sa bayan. Lahat ng Kandidato may malasakit sa bayan. Lahat ng Kandidato magsasakripisyo para sa bayan. Lahat ng Kandidato tutulong sa bayan. At lahat ng Kandidato ginagastos ang pera ng bayan.

Wala ngang pinagkaiba ang eleksyon dito sa America at sa Pilipinas. At kahit siguro saan pang lupalop ng mundo ako mapadpad wala rin pinagkaiba and eleksyon don. Sana ang eleksyon simple na lang... daanin na lang sa taasan ng kamay... para walang daya. Ano sa tingin mo?

Read more...

Ang Tatanga-tanga

Thursday, October 2, 2008

Hay sus... kay tanga ko talaga. Halos isang linggo rin akong walang inatupag kundi ang mag-ayos at mag-design/lay-out/un-install/re-install ng mga blogs ko [pansin nyo ba bago ang itsura ng page ko ngayon? okay ba? gusto nyo ba?] kaya ang pagsusulat ay di ko napagbubuhusan ng pansin maging ang pagbabasa ng mga mensahe ko sa message box.

Hay sus... kay tanga ko nga. Alam nyo ba na nominated pala ako ni Carlota [salamat Amiga sa iyong pagtitiwala] sa kanyang paligsahan ng mga blogs sa Dashing Smiles at wala man lang akong kamalay-malay. Akala ko si Val lang ang walang malay.... hahahaha ako rin pala [BTW, kilala nyo ba si Val? Kung hindi eh pakitanong kay Ate Vi.]. Kaya ayon di man lang ako nakapangampanya. Anyway, sabi ko na... "it's an honor just to be nominated"... para feeling Famas.

Hay sus... kay tanga ko. Sayang talaga... sana rumarampa ako ngayon sa Red Carpet at kakaway sa mga fans. Sayang ang pag-kakataon na pinalampas. Pero kahit papano okay lang siguro sa mga susunod na pagkakataon ay di na ako tatanga-tanga.

Read more...

ang timbangan

Thursday, September 11, 2008

Hindi talaga ako makapaniwala. Ilang linggo ko na ring iniiwasan ang timbangan sa aming banyo. Ilang beses akong natutuksong gamitin ito pero sa awa ng Diyos ay hindi ako nagpapadala sa tukso. Ilang pagkakataon na kong nagtitiis na di gamitin ang timbangan dahil natatakot ako sa makikita kong resulta.

Hindi talaga ako makapaniwala. Sa kabila ng aking pag-iwas sa timbangan sa banyo wala rin akong nagawa. Sa kabila ng aking katatagan, nagpadala rin ako sa marupok na tukso. Sa kabila ng aking pagtitiis at takot, nagkaroon din ako ng lakas ng loob na makita ang resulta.

Hindi talaga ko makapaniwala. Noong huli akong nagtimbang 140 ang bigat ko. Noong huli akong nagtimbang patayan pa ang pag-jojogging ko. Noong huli akong nagtimbang halos di na ako kumakain. Pero noong huli akong nagtimbang 140 pounds ako. Nakakainis talaga.

Pero hindi talaga ako makapaniwala. Pagkatapos nang huli akong nagtimbang, di na ako masyadong nagjogging. Pagkatapos nang huli akong nagtimbang, puro pagkain ang nasa isip ko. Pagkatapos nang huli akong nagtimbang, at nadismaya sa aking nakitang resulta... di na ako nagtimbang - hanggang sa ngayon.

Hindi talaga ako makapaniwala. Ngayon nagtimbang ako. Ngayon ang timbang ko ay 124 pounds. Bakit bumaba? Bakit ang baba? Di naman ako nagjogging. Di naman ako nag-dyeta. Sira yata! Sira yata ang timbangan! Dapat siguro bumili ako ng bago. Tama bibili ako ng bago. Bibili ako ng bagong... chichirya kasi ubos na ang stock ko. hahahaha.

Read more...

lababong barado

Monday, September 1, 2008

Lunes... unang araw ng Setyembre... umagang-umaga... di pa ako nakakapag-almusal. Sikat na ang araw at tila maganda ang panahon. Pero sa kabila ng magandang araw na ito... pag mamalasin ka nga naman... ang lababo... ang kawawang lababo... barado.

Dahil sa baradong lababo... ang tubig ay tumagas sa cellar. Sa cellar na kung saan nakatambak lahat ng mga abubot. San damakmak na abubot na basang-basa dahil sa tubo na tumatagas.

Kaya ang magandang araw sa kabila ng maaliwalas na langit ay nagdilim at tila nagbago ang panahon dahil sa baradong lababo. Dahil sa baradong lababo maghapon ang bubunuin para linisin at ligpitin ang naiwang kalat at dumi ng lababong barado.

Read more...

maagang gising

Friday, August 22, 2008

Maaga akong nagising ngayon. Di gaya noong mga nakaraang araw parang tamad na tamad akong bumangon. Sa kabila ng katotohanan na ilang beses din akong bumangon sa loob ng mahabang magdamag dahil sa kinailangan kong pumunta ng kubeta.

Maaga akong nagising ngayon. Pero kahit papano maganda naman ang gising ko. Di gaya noong mga nakaraan mga araw na tila mabigat ang ulo ko kahit pa nga maaga akong natutulog sa gabi dahil wala rin namang mga kwenta ang palabasa sa TV.

Maaga akong nagising ngayon. Siguro naman marami akong magagawang kapakipakinabang na bagay sa maghapon. Di gaya noong mga nakaraan araw na tambak ang labahin, umaapaw ang maruming pinagkanan sa lababo at nanglilimahid ang sahig.

Maaga akong nagising ngayon. Kaya uumpisahan ko ang araw na ito na may positibong adhikain at umaasa na ang buong maghapon ko ay magiging kapakipakinabang... di gaya noong mga nakaraang araw.

Read more...

anong ulam?

Tuesday, August 12, 2008

Isa sa mga problemang araw-araw na ginawa ng Diyos na kailangan kong harapin ay ang aking pakikibaka sa kusina. Bilang isang maybahay... ang ulam... ang siyang pinakamalaking hamon na aking hinaharap.

Kung tutuusin maraming pagpipilian. At dahil sa madaming pagpipilian, lalong humihirap ang sitwasyon. Mas mabuti pa nga kung walang pinagpipilian dahil kung isa lang ang bagay na nasa harap mo... wala ka ng ibang magagawa kundi paganahin ang iyong imahinasyon upang makalikha ng isang malinamnam na putahe para mabusog ang gutom na pamilya.

Kung tutuusin kahit iisa lang ang nasa harapan ko rin, mahirap din ang sitwasyon kasi nakakasawa naman kung yun at yun din ang lulutuin. Nawawala ang hamon o kaya ang ha-mon (bigyang diin ang unang syllable para masarap pakinggan - pasensya na po nakalimutan ko sa tagalog yon Filipino kasi ang pinakamababa kong marka sa eskwelahan. hehehehe).

Kaya nga sa sandaling ito (habang isinusulat ko ito) ay pilit kong kinakatok ang kokote ko para makaisip ng masarap na hapunan. Ayyy... ayan... eto na... may naisip na ako! Sige, yon na nga lang. Tutal pag medyo sinarapan ko ang putahe tiyak na dagdag na naman sa timbang ko yon.

Kaya ngayon tatapusin ko na ito... at magbubukas na lang ako ng de-lata ng Bush's Baked Beans, yung Maple Cured Recipe at ima-microwave ko na lang ang hotdogs. Hmmmm... instant pancit canton na lang kaya... Chow Mein style para sosyal!

Read more...

nais nyo bang maging KABIT?

Thursday, July 31, 2008

Eto ang siste. Ang tagal ko nang hinihikayat ang bunso kong kapatid na gumawa ng sariling blog dahil alam kong marunong naman siyang magsulat at maraming siyang maaaring ibahagi sa mundo ng blogging. Pero palibhasa'y abala sa gimikan, trabaho at higit sa lahat talaga namang may katamaran ding taglay... puro palusot ang maririnig mo.

Eto ang milagro. Sa wakas nahikayat ko rin siyang gumawa ng blog. Laking tuwa ko dahil kahit papano eh sumunod din si Bunso kay Ate. Gumawa ng isa. At parang batang nakatikim ng bago... aba eh, kinabukasan ay gumawa na naman ng isang pang blog. Samakatwid, 2 na ang blog niya. At masaya na sana ako pero...

Eto ang problema. Palibhasa eh abala nga sa maraming bagay at medyo hindi rin siya gaanong marunong sa computer, ako ngayon ang gumawa ng lahat mula sa lay-outing, designing ng header, at iba't-ibang kolorete sa websites niya. Sa madaling salita ako ang babysitter ng blog niya at ang ginagawa lang niya ay magsulat at ako pa rin ang mag-edit at mag lagay ng mga images don.

Eto ngayon ang tanong. Gusto nyo bang madagdagan ang inyong links? Nais nyo bang madagdagan ang inyong traffic? Kayo ba ay naghahanap ng iba pang blog para i-promote ang inyong blog? Naghahanap ba kayo ng mas maraming kaibigang bloggers? NAIS NYO BANG MAGING KABIT? Pwes... eto na ang pagkakataon ninyo... hulong at makikabit na kayo sa blog ng Utol ko... bagong-bago... batang-bata... mabangong-mabango pa... at wala pang masyadong kumakabit. Hala, mag-iwan lang kayo ng mensahe sa kahon at malugod ko kayong ikakabit sa blog ng Utol ko.

ang QUEUE-less

ang sleep-deprived... caffeine-fueled LIFE


PAUNAWA! "Offer is good while supply last". (JOKE!)

Read more...

may PR ako

Saturday, July 26, 2008

Yipeeee!!! May PR ako. Akalain mo, sa dinami-dami ng blogs ko, eto pang kaisa-isa kong tagalog blog ang nagkaroon ng PR. Galing ng Pinoy!

Ewan ko ba. Baka naman dahil di nila naiintindihan ang mga nakasulat dito. Baka kaya dahil masasarap tingnan ang mga litrato dito. O baka, nagkamali lang sila dito. Pero sa puntong yan... WALANG BAWIAN!

Basta masaya ako kasi may PR ako. Basta masaya ako kasi kahit papano napansin ang blog ko. Basta masayang-masaya ako.

May PR ako... sayang lang di ko mapagkakakitaan ito kasi tagalog lang. May PR ako... sana ung iba din blogs ko magkaroon lalo na yong pinagkakakitaan ko. May PR ako... at gusto kong pasalamatan ang board of judges sa aking award. (Pasensya po... nadala ako... akala ko FAMAS)

Read more...

sa wakas

Tuesday, July 22, 2008

Sa wakas, matapos ang ilang linggong pag-iisip at pagsusunog ng kilay, natapos ko rin ang matagal ko nang proyekto. Ang proyektong maraming gabi rin akong pinuyat sa kakaisip. Ang proyektong maraming beses din nagpasakit ng aking ulo. At ang proyektong maraming pagkakataong halos sukuan ko.

Sa wakas, eto na ang bunga ng aking pawis. Eto na ang bunga ng aking pagtitiyaga. At eto na ang bunga ng malikot kong isipan.

DYARANNNNNNN! Ang mga "headers" ng lima kong BLOG:

1. Ang "Ruthi's breathingSpace".
Ito ang pinaka-una kong blog na naglalaman ng kahit anong maisipan ko. Dito ko sinusulat ang ano mang bagay na basta lang pumasok sa aking isip - mga pang-araw-araw na engkwantro ko sa buhay... pambihira o ordinaryong karanasan... reklamo/komento/rekomendasyon sa mga bagay-bagay, sitwasyon at panahon... at ano mang bagay or walang kabagay-bagay para lang meron akong magawa at makahinga naman... hayyyyy.


2. Ang "a Carpenter's WIFE's tool box".
Dito sa blog na ito naisisiwalat ko ang aking mga karanasan, pakikibaka at mumunting bagay na bahagi ng aking buhay bilang isang "Maybahay" ng Karpintero.


3. Ang "my REFUGE".
Ito ang Blog ko sa mga dati kong mga likha na medyo seryoso ang tema. Medyo mahahaba ang mga panulat dito dahil seryoso ako ng sinusulat ko yon.


4. Ang "Gregoire Construction".
Ah,ito ginawa ko lang ito para sa asawa ko... adbertismen lang ba para sa hanapbuhay niya. Ginawa ko ito, para patunayan na mabuti akong asawa.


5. At syempre ang "sa puso at isip".
Dito... dito naisisiwalat ko ang aking mga hinaing at reklamo... pangangamba at sintemyento... kaligayahan at hinagpis... at lahat ng mga bagay na di ko ma-ingles.


Hayyyyy, salamat! Ngayon makakatulog na ako ng mahimbing. Ngayon makakahinga na ako ng maluwag. At ngayon... aasikasuhin ko naman ang pagsusulat.

Read more...

transisyon

Sunday, July 13, 2008


Kamakailan lang ay nagbakasyon kami ng aking asawa para i-celebrate ang aming isang taong anibersaryo ng kasal. Isang taon na ang nakalipas at sa awa ng Diyos ay kami pa rin. Sabagay, isang taon pa lang naman yon kunpara sa mga ibang mag-asawa na nag-celebrated ng kanilang ginintuang anibersaryo. Ay naku, hindi ko na yon pinapapangarap dahil tiyak na di na namin aabutin pa yon. Bakit? Eh hindi ako sigurado na aabot pa itong asawa ko ng isang daang taon. Yan ang hirap sa mga pahulihin sa pag-aasawa eh.

Sa isang taong paggiging asawa ng isang "kano" marami akong natutuhan. Maraming pagbabago ang aking pinagdaanan. At maraming sakripisyo akong binatbat. Di naman sa ako'y nagrereklamo, kung tutuusin, marami din sa mga pagbabago na yon ay nakabuti sa akin. At marami din sa sakripisyo na yon ang naging dahilan para lalo akong maging matatag. Nabuksan ang aking mga mata sa katotohanan ng buhay. Nabuksan ang aking isip sa hiwaga ng buhay. At nabuksan ang aking puso sa realidad ng buhay.

Hindi naging madali ang pagbabago. Hindi naging magaan ang pinagdaanan ko. At hindi naging maginhawa ang buhay gaya ng inaakala ko. Pero sa kabila ng lahat unti-unti kong natanggap ang buhay na aking pinili. At kung meron mang isang bagay na nagbago sa akin na sa tingin ko ay tiyak kong ikatutuwa ng maraming taong kilala ko... yaon ay ang aking pagiging pasensyosa.

Paano naman hindi ako magiging pasensyosa? Paano naman ako hindi magiging mahinahon? Paano naman ako hindi magiging mabait? Sa tuwing nagagalit ako, dedma na lang ako. Sa tuwing susumpong ako, kalilimutan ko na lang yon. Sa tuwing masama ang loob ko, di ko na lang papansinin yon. Kasi naman... ang hirap inglisin ng galit ko... kaya tatahimik na lang ako.

Read more...

reklamo

Friday, July 11, 2008

Eto na naman ako at maglalabas ng mga hinaing.
Eto na naman ako para ibulalas ang mga personal na reklamo.
Eto na naman ako para mag reklamo ng walang katorya-toryang bagay.
Eto na naman ako para ihinga ang mga mumunting bagay na walang kwenta.

Bakit nga ba ang tao masyadong mareklamo?
Bakit konting bagay laging may pintas?
Bakit kahit maayos ang sitwasyon may problema pa rin?
Bakit pag husto na may kulang pa rin?

Isang bagay ang natutunan ko sa aking paglisan sa lupang sinilangan.
Isang bagay na nagturo sa akin na baguhin ang aking di magandang pag-uugali.
Isang bagay na sa tingin ko ay napabuti dahil ako ay naging mas mahinahon.
Isang bagay na mahalagang sangkap upang maging maganda ang takbo ng isang relasyon.


Itigil ang reklamo at ituloy ang buhay!

Read more...

tumigil na ang ulan

Wednesday, June 25, 2008

Tumigil na ang ulan. Sumikat na rin ang haring araw. Ayun, masaya na ang mga ibon sa puno at ang mga dahon ay sumasayaw. Tila nakangiti ang mga ulap at ang damuhan ang lalong naging kulay berde.

Tumigil na ang ulan. Balita sa telebisyon, maghapon mainit ang panahon. Ayun, makakatakbo siguro ako mamaya at ng mabawasan ng konti ang timbang. Tila napaparami ang kain ko nitong mga huling araw kaya ang bewang ay lumalapad na naman.

Tumigil na ang ulan. Baka subukan ko mamayang magpinta. Ayun, ang tagal na nakatinggal ang pintura at canvas at brutsa. Tila gusto ko uling balikan ang dati kong talento dahil mataga-tagal na rin akong di nagpipinta.

Read more...

tinatamad ako

Thursday, June 19, 2008

Tinatamad akong magsulat ngayon.
Tinatamad akong mag-isip.
Walang magandang ideya na pumapasok sa isip ko.
Naninigas ang aking mga daliri sa pagtipa sa "keyboard".

Tinatamad din akong maglaba ngayon.
Tinatamad din akong maglinis.
Walang magandang gawin kundi ang humilata.
Naninigas ang aking katawan sa katamaran.

Read more...

huwag kang lilingon

Wednesday, June 11, 2008

Huwag kang lilingon. Kahit anong mangyari huwag ng huwag kang lilingon. Baka masira ang iyong konsentrasyon. Baka makalimutan mo ang dapat mong unahing gawin. Baka magbago pa ang iyong isip.

Huwag kang lilingon. Saan ka man makarating huwag na huwag kang manghihinyang. Baka pagsisihan mo ang iyong desisyon. Baka panghinaan ka ng iyong loob. Baka bigla kang sumuko.

Huwag kang lilingon. Ano man ang iyong magiging desisyon huwag na huwang magbabago ang iyong isip. Baka ikaw lang nga ang pag-asa ng bayan. Baka nasa iyong mga kamay ang pagbabago.

Pag nagawa mo na ang iyong misyon. Sige lumingon ka na. Kailangan mong balikan ang nakaraan. Parte ito ng buhay at di magiging kompleto kung wala yon.

Read more...

ang mga tanong

Monday, June 9, 2008

Saan ka pupunta kung wala kang mapupuntahan? Ano ang kakainin mo kung wala kang makakain? Paano mo ipapaliwanag ang isang bagay na di maliwanag? At bakit kaya ang chicken breast ay walang "utong"?

Minsan marami tayong mga katanungan na mahirap hanapan ng kasagutan. At kung minsan may mga katanungan tayong tinatanong kahit alam na natin ang sagot. Parang minsan natutukso akong huwag munang gamitin ang utak ko.

Kung puede lang sanang i-turn off ang switch ng utak ko, ginawa ko na. Kung puede lang bang mag-log off sa mga walang katuturang bagay na bigla na lang pumapasok sa guni-guni ko, ginawa ko na. Kung puede nga lang kayang i-out-of-service muna ang utak ko dahil nakakapagod na ang mag-isip, matagal ko na ginawa yon.

Kaso hindi nga eh. Bakit nga ba? [Panibagong na namang tanong]. Hay, walang katapusang tanong.

Read more...

isang taong tigang

Wednesday, June 4, 2008

Isang taon na ako dito sa lupain ng mga banyaga. Dito, ako ang banyaga. Isang taon na akong wala sa lupang tinubuan. Doon ako ang reyna.

Mag-iisang taon na akong puro patatas ang kinakain. Patatas na nilaga, patatas na niligis, patatas na prito, patatas na may kaunting pampalasa, patatas dito at patatas doon. Sawa na ako sa patatas.

Mag-iisang taon na akong di nakakakain ng lutuing Pinoy. Bagama't kahit papano eh nakakain ako ng kanin dahil madalas kaming kumain ng Chinese [yung restaurant di yung tao] kahit papano di ko naman namimiss ang kanin.

Ngayon matapos ang isang taong pagtitiis... nagluto ako ng sari-saring lutuin pinoy. Eto at tikman nyo.

Ang Adobo


Ang Pancit


At ang Menudo


Nagsaing na rin ako.


Ginamit ko na ang "rice cooker" para walang tutong.

Read more...

tutong

Sunday, May 25, 2008

Minsan di maiiwasan na masunog ang aking niluluto. Di ko naman sinasadya yon. Nagkakataon lang. Minsan siguro dala na rin ng katamaran. Minsan siguro dahil nakababad ako sa panonood ng teleserye. Minsan siguro di ko alam na may niluluto pala ako.

Pag nagkakatoong ang niluluto ko ay nasunog... sino ang kumakain ng tutong? Sino ang nagtitiyaga sa tutong? Sino ang makikinabang sa tutong?

Ang buhay ay parang sinaing. Kelangan tama lang ang tubig dahil kung mapadami, magiging lugaw ito. Kung kokonti, magiging "popped rice" ito. Sa buhay kelangang tama lang ang tubig para di maging lugaw or "popped rice". Sa buhay kelangang ang diskarte tama para tama ang takbo.

Ang buhay ay parang sinaing. Kelangan bantayan habang niluluto dahil kung hindi, baka umapaw ang "am" magiging batilaw ito. Sa buhay kelangang bantayan ang bawat hakbang at baka magkamali. Sa buhay pag nagkamali ka ng diskarte ikaw rin ang magdurusa.

Ang buhay ay parang sinaing. Kelangan ingatan na di ito masunog dahil kung magkakataon, tutong ang kakainin mo. Sa buhay kelangang ingatan ang mga desisyon dahil pag nagkataong mali ito di mo na mababago. Sa buhay pag mali ang desisyon mo maaaring magbago ang takbo ng buhay mo.

Read more...

sakit ng ulo

Friday, May 23, 2008

Hay, nakakapagod. Ang hirap mag-isip. Maloloka na yata ako.

Hilig ko talaga ang magsulat. Hilig kong isulat ang mga bagay-bagay na pumapasok sa malikot kong isip. Hilig kong paganahin ang aking imahinasyon at makalikha ng isang obra maestra. Pero may isa akong problema. Ang hirap palang gawin non.

Akala ko madali lang. Akala ko pag hawak ko na ang lapis at papel o kaya nasa harapan na ako ng computer at handa ng tipain ang keyboard ay dadaloy na malaya ang mga ideya. Hindi pala. Kelangan palang mag-isip. Hindi pala sa lapis nanggagaling ang ideya. Hindi pala sa dulo ng mga daliri dadaan ang ideya. Hindi ko pala kaya.

May isa pang malaking problema. Minsan inaatake ako ng sakit ko [translation: katamaran]. Minsan nawiwili ako sa panonood ng telebisyon [translation: starstruck]. Minsan lumilipad ang utak ko [translation: tinotopak].

Hay, buti na lang gumana ang utak ko ngayon. Kaya eto medyo mahaba-haba rin ang nasulat ko. Pag di ko nakalimutang mag-isip bukas... susulat ulit ako. Bahala na.

Read more...

suwerte

Wednesday, May 21, 2008

Kelan kaya ako mananalo sa lotto? Kabibili-bili ko lang ng ticket ng powerball (katumbas ng Lotto sa Pinas)at gaya ng dati, umaasa ako na mananalo.

Masama ba ang mangarap? Masama ba ang umasa? Masama ba ang maniwala?

Hindi ako nag-iisa sa pakikibakang kagaya nito. Marami kaming nangangarap ng magkaroon ng masaganang pamumuhay. Marami kaming umaasa na kahit papano makakaahon kami sa kahirapang dinaranas. Marami kaming naniniwala na darating ang araw magbabago rin ang guhit ng aming kapalaran.

Ang kapalaran ng tao ay di kayang ipaliwanag ng kahit sino. Suwertihan nga lang kaya ang buhay o ito nga kaya ay parang isang gulong na umiikot-ikot? Kung mananalo ako bukas sa powerball, ano kaya ang magiging ikot ng buhay ko?

Read more...

nakakainip na maghapon

Tuesday, May 20, 2008

Ang hirap mag-isip. Nakakapagod mag-isip. At nakakasira ng ulo ang pag-iisip. Paano nga ba ang gagawin ko? Mag-iisang taon na akong walang trabaho at palamunin. Aba, eh nakakainip ang maghapong nakatunganga ano. Kaya eto, kung anu-ano ang pumapasok sa utak ko. Buti na lang medyo malakas ang kontrol ko kundi, baka bumigay ako.

Nakakainip ang walang ginagawa. Nakakainip ang maghintay ng kausap. At nakakainip magpalipas ng maghapon. Ano nga ba ang magagawa ko? Mag-iisang taon na ako dito at namimiss ko ang Pinas. Kaya eto, maghapong naka-tunganga sa computer. Maghapong naghihitay ng makaka-chat. At maghapong mag-blog.

Ano pa nga ba ang magagawa ko? Tiis na lang kasi pinili ko ito. Tiis na lang dahil desisyon ko ito. At tiis na lang sa pagka-homesick dahil... masaya naman ako sa mahal ko.

O, may magagawa ka ba?

Read more...

kapalpakan

Monday, May 19, 2008

Kahapon konti na lang ang mga maling diskarte ko. Habang lumalaon nababawasan ang mga kapalpakan ko. Kaya masaya na ako at konti na lang ang "murang" kailangang sikmurain ko.

Nag-aaral kasi akong magmaneho. At bilang bagito, syempre nagkakamali ako. Tao lang po kasi. At tuwing matututo ako sa mga maling ginawa ko, eto na naman at merong panibagong katangahan akong babanatan. Hay, buhay!

Mahirap pala talagang mag-aral. Buti na lang guro na ako. Kung estudyante pa lang ako, tiyak ibabagsak ko - ako. Kaso sa pagkakataong ito, estudyante ako. Pero di naman ako puedeng ibagsak dahil paboritong estudyante ako ng guro ko. Nagkataon, asawa ko rin siya (buti na lang.) Pero ang hirap. Di kasi kami magkaintindihan at ang sungit niya. Simpleng instraksyon pinahihirap, kaya pano matututunan? Ganon nga talaga yata ang buhay.

Pero kahit papano, nakikita ko naman ang pagbabago. Sanayan lang siguro talaga... pakapalan ng sikmura at patigasan ng mukha. At higit sa lahat, gamitin ang karisma. Dahil, pagkatapos ng lahat... ako pa rin ang panalo.

Read more...

tubeeeeeeeeg!

Monday, May 12, 2008

Pag mamalasin ka nga naman.

Kahapon bago kami mag check-out sa otel, naisip kong maligo kaso tinamad ako. Sabi ko sa bahay na lang para bago matulog presko ang pakiramdam ko. Kaya ayon, nagbiyahe ako na di "go-li". Pagdating ng bahay, laking gulat at panghihinayang ko ng mabasa ko ang nakapaskil sa pintuan ng kwarto namin... "No Water". Sus, ginoo... ano pa nga ba ang magagawa ko. Kaya eto tiis muna sa amoy hangga't di dumarating ang tubero at ayusin ang "pump" namin.

Ewan ko sa iba dyan. Pero para sa akin, OK lang na walang koryente... pero ang walang tubig... nakupo di ko kaya.
Ayoko ng mabaho!
Ayoko ng madumi!
Ayoko ng mapanghi!
Kaya plis lang... paigib ng tubig.

Read more...

takbo... bilis... takbo

Wednesday, May 7, 2008

Mahigit ng isang linggo akong tumatakbo... jogging ba. Wala lang. Naisipan ko lang kasi "tag-sibol" na. Tapos na ang "pag-niniyebe". Di na masyadong maginaw ang paligid at di na ako kinakalig-kig.

Tag-sibol na at pagkatapos nito ay ang "tag-init". Tumatakbo ako para mabawasan ng konti ang akong timbang. Problema ko talaga ito sumula't sapol. Ano ba ang magagawa ko eh ang sarap kayang kumain. Lalo noong "tag-yelo", ay sus, ang mainit na tsokolateng may mumunting "marshmallows" ba naman ang lagi kong iniinom para maibsan ang ginaw. Saan ka pa? May kokontra pa ba sa sarap ng "brownies" na laging kong hinuhurno?

O, ngayon, tapos na ang masasarap na pagkain at "alibi" ko sa pagkain. Magbanat naman ng buto, para pagdating ng "tag-init" maisuot ko na ang makikipot at maiigsi kong palda ng makita naman ang makinis kong hita at ang mga walang manggas kong blusa ng masilayan naman ang makinis kong braso.

Kaya eto, nagpapawis, tumatakbo, nagpapakapagod para maging karapad-dapat. Nabawasan na ako ng sampung libra, sampu pa at okay na.

Read more...
Blog Widget by LinkWithin

Isang Paglilinaw

Dito... dito gusto kong maging malaya. Malayang isiwalat ang laman ng aking PUSO at ISIPAN sa pamamagitan ng mga makabuluhang sulatin. Dito ko malayang isusulat at ibabahagi ang aking mga sarili karanasan, inspirasyon, pagmumuni-muni tungkol sa buhay-buhay at mga hiwaga nito. Dito... tagalog lang po. Maaring may mga ilang kataga o salitang maisusulat ako sa wikang ingles, subalit iyon ay dahil maaring walang kaukulang salitang tagalog na kahulugan para sa salitang ingles. Pero lalagyan ko ng " kudlit " (kung ito nga ang tawag sa simbolong iyon). Dito... maipapahayag ko ng may kapanatagan ng loob ang aking mga adhikain na walang pangamba na mali ang aking pinaggagawa. At dito... inaasahan kong marami akong makikilalang mga kaibigan at mga taong magbibigay sa akin ng inspirasyon sa pagsusulat.

Ang Iba't Ibang kong Karinderya

Home | About | Contact

Copyright © 2008 - sa puso at isip -

All Rights Reserved | Website Customization and Header design by RUTHINIAN

  © Blogger template Leaving by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP