sa tuwing pumapatak ang ulan
Friday, April 4, 2008
Nagising ako kaninang umaga na malakas ang ulan. At gaya ng inaasahan di makakapasok ang mahal kong asawa dahil ang trabaho niya ay sa labas (karpintero kasi siya). Pagkakataon na naman para madalaw ko ang aking natatanging kaibigan sa karatig bayan, si Medy. Isang Pinay din at mag-aapat na taon na siya dito sa Maine.
Masaya ako pag umuulan (o nag-iisnow) dito kasi lagi akong nakakabisita kay Medy. At pagkakataon ko na namang kumain ng kanin. Kadalasan kasi tuwing tatawag ako sa kanya para ipaalam na darating ako, pagbukas pa lang ng pinto naaamoy ko na ang bagong saing na kanin. Kasunod non, magluluto na kami ng kahit anong lutuing Pinoy. Adobong baboy at pansit canton ang niluto namin. Kainan na naman.
Noong nasa Pinas ako, gusto ko rin pag umuulan. Sarap kasing humigop ng mainip na sabaw. At lalong masaya kung may bagyo kasi walang pasok. Pero ung hanggang "signal number 3" lang. Sarap lumusong sa baha pero yung hanggang sakong lang para bumili ng banana cue sa kanto. Sarap ding manood lang ng TV pag di "brown out" o kaya ay mag-madjong.
Sa Pinas ang daming puedeng gawin pag umuulan. Pero dito sa Maine, pag-umuulan matutulog lang ako, o manood ng TV o kaya humarap na lang sa computer. Wala ding tigil ang kain ko, pero hinahanap ko ang banana cue.
Hay... tag-ulan.
















0 KULO ng Tiyan:
Post a Comment