transisyon
Sunday, July 13, 2008

Kamakailan lang ay nagbakasyon kami ng aking asawa para i-celebrate ang aming isang taong anibersaryo ng kasal. Isang taon na ang nakalipas at sa awa ng Diyos ay kami pa rin. Sabagay, isang taon pa lang naman yon kunpara sa mga ibang mag-asawa na nag-celebrated ng kanilang ginintuang anibersaryo. Ay naku, hindi ko na yon pinapapangarap dahil tiyak na di na namin aabutin pa yon. Bakit? Eh hindi ako sigurado na aabot pa itong asawa ko ng isang daang taon. Yan ang hirap sa mga pahulihin sa pag-aasawa eh.
Sa isang taong paggiging asawa ng isang "kano" marami akong natutuhan. Maraming pagbabago ang aking pinagdaanan. At maraming sakripisyo akong binatbat. Di naman sa ako'y nagrereklamo, kung tutuusin, marami din sa mga pagbabago na yon ay nakabuti sa akin. At marami din sa sakripisyo na yon ang naging dahilan para lalo akong maging matatag. Nabuksan ang aking mga mata sa katotohanan ng buhay. Nabuksan ang aking isip sa hiwaga ng buhay. At nabuksan ang aking puso sa realidad ng buhay.
Hindi naging madali ang pagbabago. Hindi naging magaan ang pinagdaanan ko. At hindi naging maginhawa ang buhay gaya ng inaakala ko. Pero sa kabila ng lahat unti-unti kong natanggap ang buhay na aking pinili. At kung meron mang isang bagay na nagbago sa akin na sa tingin ko ay tiyak kong ikatutuwa ng maraming taong kilala ko... yaon ay ang aking pagiging pasensyosa.
Paano naman hindi ako magiging pasensyosa? Paano naman ako hindi magiging mahinahon? Paano naman ako hindi magiging mabait? Sa tuwing nagagalit ako, dedma na lang ako. Sa tuwing susumpong ako, kalilimutan ko na lang yon. Sa tuwing masama ang loob ko, di ko na lang papansinin yon. Kasi naman... ang hirap inglisin ng galit ko... kaya tatahimik na lang ako.
















1 KULO ng Tiyan:
Ang galing ng blog mo, Ruthi!!!
Buti ka pa, Tagalog pa din kahit galit. Ako kasi pag nagagalit, nagiging ingles ang pananalita ko. :-(
First time ko pumasyal dito sa isyong site. ang ganda, aliw ako at naiinggit actually at nakakapagsulat ka ng straight na tagalog sa iyong blog.
Post a Comment