ang timbangan
Thursday, September 11, 2008
Hindi talaga ako makapaniwala. Ilang linggo ko na ring iniiwasan ang timbangan sa aming banyo. Ilang beses akong natutuksong gamitin ito pero sa awa ng Diyos ay hindi ako nagpapadala sa tukso. Ilang pagkakataon na kong nagtitiis na di gamitin ang timbangan dahil natatakot ako sa makikita kong resulta.Hindi talaga ako makapaniwala. Sa kabila ng aking pag-iwas sa timbangan sa banyo wala rin akong nagawa. Sa kabila ng aking katatagan, nagpadala rin ako sa marupok na tukso. Sa kabila ng aking pagtitiis at takot, nagkaroon din ako ng lakas ng loob na makita ang resulta.
Hindi talaga ko makapaniwala. Noong huli akong nagtimbang 140 ang bigat ko. Noong huli akong nagtimbang patayan pa ang pag-jojogging ko. Noong huli akong nagtimbang halos di na ako kumakain. Pero noong huli akong nagtimbang 140 pounds ako. Nakakainis talaga.
Pero hindi talaga ako makapaniwala. Pagkatapos nang huli akong nagtimbang, di na ako masyadong nagjogging. Pagkatapos nang huli akong nagtimbang, puro pagkain ang nasa isip ko. Pagkatapos nang huli akong nagtimbang, at nadismaya sa aking nakitang resulta... di na ako nagtimbang - hanggang sa ngayon.
Hindi talaga ako makapaniwala. Ngayon nagtimbang ako. Ngayon ang timbang ko ay 124 pounds. Bakit bumaba? Bakit ang baba? Di naman ako nagjogging. Di naman ako nag-dyeta. Sira yata! Sira yata ang timbangan! Dapat siguro bumili ako ng bago. Tama bibili ako ng bago. Bibili ako ng bagong... chichirya kasi ubos na ang stock ko. hahahaha.
















0 KULO ng Tiyan:
Post a Comment