makulimlim ang langit

Friday, April 25, 2008

Sikat na ang araw. Pero makulimlim ang langit.
Makulimlim ang langit sa kabila ng liwanag ng araw.
Makulimlim ang langit sa kabila ng pangako ng umaga.
Makulimlim ang langit sa kabila ng pag-asang dala ng kahapon.

Di waring uulan. Pero madilim ang langit.
Madilim ito bagama't walang pagbabanta na bubuhos ang ulan.
Madilim ito bagama't sa wari ko'y ang panahon ay banayad.
Madilim ito bagama't ang mga ibon ay lumilipad sa himpapawid.

Bahagyang umiihip ang hangin. Pero medyo maitim ang langit.
Maitim ito marahil dahil sa pulyusyong dala ng sibilisasyon
Maitim ito marahil dahil sa paglapastangan ng mga tao sa paligid.
Maitim ito marahil dahil sa walang pakundangang pag-abuso sa kalikasan.

Ngayon puso ko ay nagdurugo. Pero bukas, liliwanag ang langit.
Liliwanag ang langit dahil may pag-asa sa puso ng tao.
Liliwanag ang langit dahil sa biyayang ibubuhos ng Maykapal.
Liliwanag ang langit dahil ang buhay ay patuloy na dadaloy.

Read more...

maaga pa

Tuesday, April 15, 2008

Maaga pa. Di pa nga sumisikat ang araw, masarap pang mamaluktot sa mainit na kama.

Maaga pa. Di pa sumisilip ang haring araw sa mga puting ulap. Gusto ko magpainit pa ng konti habang yakap ng mahigpit ang malambot na unan.

Maaga pa. Di ko naman balak magluto ng agahan. "Cereals"lang at mainit na kape ang umagahan ng mahal kong asawa. Idlip lang muna ulit ako.

Ayy, tanghali na pala. Sinasabi ko na nga ba. Dapat bumangon na ako ng tumunog ang "alarm clock".

Naku, tanghali na nga. Maliwag na sa labas. Nasisilaw na ang mata ko sa liwanag ng bintana.

Sus, tanghali na at nakatunganga pa ako. Kailangan ng ihanda ang baong pananghalian ng mahal kong asawa. Papasok na siya sa trabaho.

Sana maaga pa, para makatulog ulit ako. Puyat ako sa kapapanood ng telebisyon kagabi.

Read more...

Biyernes de Amor

Friday, April 11, 2008

Biyernes na! Bukas uulan daw, sabi sa Balita. Sus, nakakatamad naman yon. Balak ko pa namang pumunta kay Medy para makakain ulit ng Adobong baboy. Naglilihi yata ako sa Adobo.

Biyernes ngayon! Tuwing Biyernes, araw ito ng paglilinis ko. Naglilinis na ako ng Biyernes para libre ang Sabado at Linggo ko. Para relaks na ako at pabanjing-banjing na lang. Nilinis ko na banyo, mabango na ito at "germs-free". Nag-vacuum na rin ako ng sala. Ang sarap ng amoy, preskong-presko. Malinis na rin ang hapag-kainan at kusina. Nilampaso ko ng "Swiffer" ang sahig. Malinis na ito at walang bahid dungis. Ang mga kwarto areglado na rin lahat. At bukod sa lahat, nakapaglaba na rin ako ng sang damak-mak na tuwalya at kobre kama.

Biyernes na nga! Tapos na ang mahabang paghihintay sa araw ng pahinga. Tapos na ang pagsisintir ko sa mahabang araw ng pagmumuni-muni. Tapos na naman ang isang yugto ng walang katapusang pagbibilang ng araw.

Sa susunod na Biyernes... ganito na naman ang gagawin ko. Ganon talaga ang buhay, paulit-ulit lang. Bahala ka nang dumiskarte kung paano mo pagagandahin.

Sa susunod na Biyernes... baka di ko muna linisin ang kwarto. Parang tatamarin ako non. Okay lang siguro, tutal wala namang papasok don kundi ako.

Sa susunod na Biyernes... sana may pera ako, para sa Sabado... makapag-shopping naman.

Read more...

kahon

Thursday, April 10, 2008

Di ko alam kung bakit, pero di ko maitapon ang mga kahon. Alam mo yon? Yong pag bumili ka ng isang bagay na nakalagay sa kahon, o kaya ay may nagregalo sa iyo na naka-kahon, basta kahit anong may kahon, di ko agad ito maitapon. Itatago at itatago ko ito kasi ang nasa isip ko, magagamit ko ito balang-araw. At habang ang araw na yon ay di pa dumarating, patuloy ang pag-iipon ko ng kahon. Patuloy ang pagdami ng naipong kahon hanggang sa di ko na ito mabilang. Katapus-tapusan, dahil sa wala na akong mapaglagyan at dumadami ang kalat, itatapon ko rin pala ito.

Ganon nga lang yata ang buhay... hangga't maitatago ang isang bagay itatago at itatago natin ito kahit walang mahalagang dahilan. Ganon nga talaga yata ang tao, binibigyan ng "sentimental value" kahit ang pinaka-walang kwentang bagay. At ganon ng yata talaga ang isang bagay, bibigyan at bibigyan ng halaga ng tao bagama't alam na ito ay isang materyal lamang.

At pagkatapos noon... pagkatapos ng lahat... at sa katapus-tapusan... sa basurahan din ang tuloy.

Read more...

ang labada

Monday, April 7, 2008

DI KITA BATI! Yan ang madalas nating marinig sa mga bata pag di nila gusto. Pag may ipapagawa ka o iuutos at abala sila sa laro, yan din ang maririnig mo. Pag ang sitwasyon ay di ayon sa kanilang panlasa, yan ang kanilang panakot. Hayy, buti pa ang bata, puedeng magreklamo.

Lunes ngayon, at ngayon nakaiskedyul na maglaba ako. Hanggat maaari ang Sabado at Linggo ay araw ng pagrerelaks. Palibhasa dakilang maybahay ako kaya ang "week days" talaga ang araw na ginagawa ko ang mga gawaing-bahay. At ang "weekends" lakwatsa lang, panood ng sine... kain sa labas... "shopping" (bihira lang yon, pag sinuswerte ako at nakakauto)... o kaya ay mahapong nakahilata lang at nanonood ng TV.

Pero Lunes ngayon, kung ito ay araw ng trabaho sa mga nagtatrabaho... sa akin naman na walang trabaho... ito ang araw na magtatrabaho ako sa bahay. Ito ang araw na maglalaba ako.

Hayyy... ang labada nga naman, di mo puedeng iwan. Kahit anong galit at inis mo, di mo matakasan. Kahit isumpa mo... babalik-balikan. Kahit itakwil mo... di ka tatan-tanan. Ang relasyon namin ng labada ko... pang-matagalan. Sa hirap at ginhawa... labada pa rin ang hahantungan.

Hayyy... labada, ano ka nga ba? Bakit matindi ang iyong kamandag?

Read more...

sa tuwing pumapatak ang ulan

Friday, April 4, 2008

Nagising ako kaninang umaga na malakas ang ulan. At gaya ng inaasahan di makakapasok ang mahal kong asawa dahil ang trabaho niya ay sa labas (karpintero kasi siya). Pagkakataon na naman para madalaw ko ang aking natatanging kaibigan sa karatig bayan, si Medy. Isang Pinay din at mag-aapat na taon na siya dito sa Maine.

Masaya ako pag umuulan (o nag-iisnow) dito kasi lagi akong nakakabisita kay Medy. At pagkakataon ko na namang kumain ng kanin. Kadalasan kasi tuwing tatawag ako sa kanya para ipaalam na darating ako, pagbukas pa lang ng pinto naaamoy ko na ang bagong saing na kanin. Kasunod non, magluluto na kami ng kahit anong lutuing Pinoy. Adobong baboy at pansit canton ang niluto namin. Kainan na naman.

Noong nasa Pinas ako, gusto ko rin pag umuulan. Sarap kasing humigop ng mainip na sabaw. At lalong masaya kung may bagyo kasi walang pasok. Pero ung hanggang "signal number 3" lang. Sarap lumusong sa baha pero yung hanggang sakong lang para bumili ng banana cue sa kanto. Sarap ding manood lang ng TV pag di "brown out" o kaya ay mag-madjong.

Sa Pinas ang daming puedeng gawin pag umuulan. Pero dito sa Maine, pag-umuulan matutulog lang ako, o manood ng TV o kaya humarap na lang sa computer. Wala ding tigil ang kain ko, pero hinahanap ko ang banana cue.

Hay... tag-ulan.

Read more...

tele-serye ng buhay

Thursday, April 3, 2008


Hindi ako mahilig manonood ng mga tele-serye. Ayoko kasi ng nakatali eh. Ibig kong sabihin, pag nanood ka kasi ng mga tele-serye parang obligasyon mo na tuwing darating ang takdang oras na ipapalabas yon, ititigil mo ang lahat mong ginagawa at uupo ka sa harapan ng telebisyon at ihahanda mo ang sarili mo sa mga susunod na pangyayari. At araw-araw ay susubay-bayanan mo ang pangyayari para malaman mo ang takbo ng istorya.

Di naman sa ayoko ng obligasyon o tumatakas ako dito, pero parang pakiramdam ko kasi pag nalulong ako sa panonood ng tele-serye magiging alipin ako ng palabas. At pag nagkaganon, doon na tatakbo ang istorya ng sarili kong buhay.

Sus, eksahirada lang talaga ako.

Bakit nga ba manonood pa ako ng mga tele-serye eh ang sarili kong buhay ay tele-serye ring matuturingan. Di nga lang "via satellite" at walang "commercial interruption" pero ang tema at ang mga takbo ng istorya halos pareho din. Minsan nakakaiyak o kaya ay nakakatawa, minsan naman may intriga o di kaya ay simple lang, minsan ay makulay o di kaya walang buhay. Iba-iba rin ang mga pumapasok na karakter at lahat sila may kanya-kanyang papel sa aking buhay.

Hay buhay, parang tele-serye. Ang masaya lang talaga sa tele-serye ko - AKO ANG BIDA!

Read more...

doon po sa amin

Tuesday, April 1, 2008

Doon po sa amin, tiyak na mainit na kasi katatapos lang ng Semana Santa. Naglipana na naman ang mga bakasyonista na mamimili ng mga tsinelas. Kasi doon po sa amin, gawaan ng tsinelas. Sa Liliw, Laguna ba. Kaya parang piyesta na naman ang kalye. Tiyak panay na naman ang liguan sa ilog kasi masarap magtampisaw sa ilog pag mainit ang panahon habang kumakain ng pritong tulingan na may kamatis at bagoong, manggan hilaw, singkamas, at lambanog. Tiyak umaalingaw-ngaw na naman ang mga sintunadong boses sa mga kalye dahil sa videoke. Ganon naman don eh, kahit yata birthday ng pusa ipasasara ang kalye at magrenta ng videoke, sabay labas ang lambanog at pulutan, hala magdamagan ang kantahan.

Doon po sa amin, panahon na naman ng kamatis, tiyak sunod-sunod na naman ang biyahe ng mga dyip na punong ng sakay hanggang bubong papuntang Valiche. Madalas na namang makakatagpo ng isang "plastic bag" ng kamatis na nakasabit sa "gate" ng bahay namin ang aking hipag. Marami kasi siyang kaibigang magkakamatis at libre na ang pang-ginisa niya.

Malayo ako doon sa amin ngayon kasi nandito na ako sa "kanila" (ang ibig kong sabihin, sa bansa ng aking liyag). Di ko matawag na "amin" ito kasi ang sa "amin" ay "doon". Mag-iisang taon na ako dito sa kanila. Hindi naman ako masyadong nahohomsik kasi madalas ko rin namang kausap ang mga utol ko. Madalas ko ring mapagalitan si bunso pag nalaman kong di siya naglilinis ng bahay kaya madalas din siyang nabubuwiset sa akin. Sabi nga niya parang di rin ako umalis doon sa amin, kasi bunganga ko pa rin ang naririnig niya.

Sa Mayo isang taon na ako dito sa kanila. Wala rin masyado akong namimis na bagay-bagay sa Pinas kasi ung mga pagkaing paborito ko, nakakabili rin ako dito sa "Asian Store" sa Portland. Ung Payless Pancit Canton, sawa na ako. Ung bagoong, kornik, tocino, suman, siopao, nagaraya, toyo, patis, sinigang mix, ayy... naku sira na talaga ang pagdidiyeta ko. Ang chitcharong baboy nga sa "convenient store" nakakabili ako 99 cents lang sawsaw pa sa Mang Tomas sarsa ng litson. At ang kanin, di problema kasi meron sa "Hannaford" (grocery store dito po sa amin)

Hayyy... doon po sa amin o dito man po sa kanila... pareho pa rin ang gawain ko. Kain at tulog. Sarap ng buhay ano?

Read more...
Blog Widget by LinkWithin

Isang Paglilinaw

Dito... dito gusto kong maging malaya. Malayang isiwalat ang laman ng aking PUSO at ISIPAN sa pamamagitan ng mga makabuluhang sulatin. Dito ko malayang isusulat at ibabahagi ang aking mga sarili karanasan, inspirasyon, pagmumuni-muni tungkol sa buhay-buhay at mga hiwaga nito. Dito... tagalog lang po. Maaring may mga ilang kataga o salitang maisusulat ako sa wikang ingles, subalit iyon ay dahil maaring walang kaukulang salitang tagalog na kahulugan para sa salitang ingles. Pero lalagyan ko ng " kudlit " (kung ito nga ang tawag sa simbolong iyon). Dito... maipapahayag ko ng may kapanatagan ng loob ang aking mga adhikain na walang pangamba na mali ang aking pinaggagawa. At dito... inaasahan kong marami akong makikilalang mga kaibigan at mga taong magbibigay sa akin ng inspirasyon sa pagsusulat.

Ang Iba't Ibang kong Karinderya

Home | About | Contact

Copyright © 2008 - sa puso at isip -

All Rights Reserved | Website Customization and Header design by RUTHINIAN

  © Blogger template Leaving by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP