tutong

Sunday, May 25, 2008

Minsan di maiiwasan na masunog ang aking niluluto. Di ko naman sinasadya yon. Nagkakataon lang. Minsan siguro dala na rin ng katamaran. Minsan siguro dahil nakababad ako sa panonood ng teleserye. Minsan siguro di ko alam na may niluluto pala ako.

Pag nagkakatoong ang niluluto ko ay nasunog... sino ang kumakain ng tutong? Sino ang nagtitiyaga sa tutong? Sino ang makikinabang sa tutong?

Ang buhay ay parang sinaing. Kelangan tama lang ang tubig dahil kung mapadami, magiging lugaw ito. Kung kokonti, magiging "popped rice" ito. Sa buhay kelangang tama lang ang tubig para di maging lugaw or "popped rice". Sa buhay kelangang ang diskarte tama para tama ang takbo.

Ang buhay ay parang sinaing. Kelangan bantayan habang niluluto dahil kung hindi, baka umapaw ang "am" magiging batilaw ito. Sa buhay kelangang bantayan ang bawat hakbang at baka magkamali. Sa buhay pag nagkamali ka ng diskarte ikaw rin ang magdurusa.

Ang buhay ay parang sinaing. Kelangan ingatan na di ito masunog dahil kung magkakataon, tutong ang kakainin mo. Sa buhay kelangang ingatan ang mga desisyon dahil pag nagkataong mali ito di mo na mababago. Sa buhay pag mali ang desisyon mo maaaring magbago ang takbo ng buhay mo.

Read more...

sakit ng ulo

Friday, May 23, 2008

Hay, nakakapagod. Ang hirap mag-isip. Maloloka na yata ako.

Hilig ko talaga ang magsulat. Hilig kong isulat ang mga bagay-bagay na pumapasok sa malikot kong isip. Hilig kong paganahin ang aking imahinasyon at makalikha ng isang obra maestra. Pero may isa akong problema. Ang hirap palang gawin non.

Akala ko madali lang. Akala ko pag hawak ko na ang lapis at papel o kaya nasa harapan na ako ng computer at handa ng tipain ang keyboard ay dadaloy na malaya ang mga ideya. Hindi pala. Kelangan palang mag-isip. Hindi pala sa lapis nanggagaling ang ideya. Hindi pala sa dulo ng mga daliri dadaan ang ideya. Hindi ko pala kaya.

May isa pang malaking problema. Minsan inaatake ako ng sakit ko [translation: katamaran]. Minsan nawiwili ako sa panonood ng telebisyon [translation: starstruck]. Minsan lumilipad ang utak ko [translation: tinotopak].

Hay, buti na lang gumana ang utak ko ngayon. Kaya eto medyo mahaba-haba rin ang nasulat ko. Pag di ko nakalimutang mag-isip bukas... susulat ulit ako. Bahala na.

Read more...

suwerte

Wednesday, May 21, 2008

Kelan kaya ako mananalo sa lotto? Kabibili-bili ko lang ng ticket ng powerball (katumbas ng Lotto sa Pinas)at gaya ng dati, umaasa ako na mananalo.

Masama ba ang mangarap? Masama ba ang umasa? Masama ba ang maniwala?

Hindi ako nag-iisa sa pakikibakang kagaya nito. Marami kaming nangangarap ng magkaroon ng masaganang pamumuhay. Marami kaming umaasa na kahit papano makakaahon kami sa kahirapang dinaranas. Marami kaming naniniwala na darating ang araw magbabago rin ang guhit ng aming kapalaran.

Ang kapalaran ng tao ay di kayang ipaliwanag ng kahit sino. Suwertihan nga lang kaya ang buhay o ito nga kaya ay parang isang gulong na umiikot-ikot? Kung mananalo ako bukas sa powerball, ano kaya ang magiging ikot ng buhay ko?

Read more...

nakakainip na maghapon

Tuesday, May 20, 2008

Ang hirap mag-isip. Nakakapagod mag-isip. At nakakasira ng ulo ang pag-iisip. Paano nga ba ang gagawin ko? Mag-iisang taon na akong walang trabaho at palamunin. Aba, eh nakakainip ang maghapong nakatunganga ano. Kaya eto, kung anu-ano ang pumapasok sa utak ko. Buti na lang medyo malakas ang kontrol ko kundi, baka bumigay ako.

Nakakainip ang walang ginagawa. Nakakainip ang maghintay ng kausap. At nakakainip magpalipas ng maghapon. Ano nga ba ang magagawa ko? Mag-iisang taon na ako dito at namimiss ko ang Pinas. Kaya eto, maghapong naka-tunganga sa computer. Maghapong naghihitay ng makaka-chat. At maghapong mag-blog.

Ano pa nga ba ang magagawa ko? Tiis na lang kasi pinili ko ito. Tiis na lang dahil desisyon ko ito. At tiis na lang sa pagka-homesick dahil... masaya naman ako sa mahal ko.

O, may magagawa ka ba?

Read more...

kapalpakan

Monday, May 19, 2008

Kahapon konti na lang ang mga maling diskarte ko. Habang lumalaon nababawasan ang mga kapalpakan ko. Kaya masaya na ako at konti na lang ang "murang" kailangang sikmurain ko.

Nag-aaral kasi akong magmaneho. At bilang bagito, syempre nagkakamali ako. Tao lang po kasi. At tuwing matututo ako sa mga maling ginawa ko, eto na naman at merong panibagong katangahan akong babanatan. Hay, buhay!

Mahirap pala talagang mag-aral. Buti na lang guro na ako. Kung estudyante pa lang ako, tiyak ibabagsak ko - ako. Kaso sa pagkakataong ito, estudyante ako. Pero di naman ako puedeng ibagsak dahil paboritong estudyante ako ng guro ko. Nagkataon, asawa ko rin siya (buti na lang.) Pero ang hirap. Di kasi kami magkaintindihan at ang sungit niya. Simpleng instraksyon pinahihirap, kaya pano matututunan? Ganon nga talaga yata ang buhay.

Pero kahit papano, nakikita ko naman ang pagbabago. Sanayan lang siguro talaga... pakapalan ng sikmura at patigasan ng mukha. At higit sa lahat, gamitin ang karisma. Dahil, pagkatapos ng lahat... ako pa rin ang panalo.

Read more...

tubeeeeeeeeg!

Monday, May 12, 2008

Pag mamalasin ka nga naman.

Kahapon bago kami mag check-out sa otel, naisip kong maligo kaso tinamad ako. Sabi ko sa bahay na lang para bago matulog presko ang pakiramdam ko. Kaya ayon, nagbiyahe ako na di "go-li". Pagdating ng bahay, laking gulat at panghihinayang ko ng mabasa ko ang nakapaskil sa pintuan ng kwarto namin... "No Water". Sus, ginoo... ano pa nga ba ang magagawa ko. Kaya eto tiis muna sa amoy hangga't di dumarating ang tubero at ayusin ang "pump" namin.

Ewan ko sa iba dyan. Pero para sa akin, OK lang na walang koryente... pero ang walang tubig... nakupo di ko kaya.
Ayoko ng mabaho!
Ayoko ng madumi!
Ayoko ng mapanghi!
Kaya plis lang... paigib ng tubig.

Read more...

takbo... bilis... takbo

Wednesday, May 7, 2008

Mahigit ng isang linggo akong tumatakbo... jogging ba. Wala lang. Naisipan ko lang kasi "tag-sibol" na. Tapos na ang "pag-niniyebe". Di na masyadong maginaw ang paligid at di na ako kinakalig-kig.

Tag-sibol na at pagkatapos nito ay ang "tag-init". Tumatakbo ako para mabawasan ng konti ang akong timbang. Problema ko talaga ito sumula't sapol. Ano ba ang magagawa ko eh ang sarap kayang kumain. Lalo noong "tag-yelo", ay sus, ang mainit na tsokolateng may mumunting "marshmallows" ba naman ang lagi kong iniinom para maibsan ang ginaw. Saan ka pa? May kokontra pa ba sa sarap ng "brownies" na laging kong hinuhurno?

O, ngayon, tapos na ang masasarap na pagkain at "alibi" ko sa pagkain. Magbanat naman ng buto, para pagdating ng "tag-init" maisuot ko na ang makikipot at maiigsi kong palda ng makita naman ang makinis kong hita at ang mga walang manggas kong blusa ng masilayan naman ang makinis kong braso.

Kaya eto, nagpapawis, tumatakbo, nagpapakapagod para maging karapad-dapat. Nabawasan na ako ng sampung libra, sampu pa at okay na.

Read more...
Blog Widget by LinkWithin

Isang Paglilinaw

Dito... dito gusto kong maging malaya. Malayang isiwalat ang laman ng aking PUSO at ISIPAN sa pamamagitan ng mga makabuluhang sulatin. Dito ko malayang isusulat at ibabahagi ang aking mga sarili karanasan, inspirasyon, pagmumuni-muni tungkol sa buhay-buhay at mga hiwaga nito. Dito... tagalog lang po. Maaring may mga ilang kataga o salitang maisusulat ako sa wikang ingles, subalit iyon ay dahil maaring walang kaukulang salitang tagalog na kahulugan para sa salitang ingles. Pero lalagyan ko ng " kudlit " (kung ito nga ang tawag sa simbolong iyon). Dito... maipapahayag ko ng may kapanatagan ng loob ang aking mga adhikain na walang pangamba na mali ang aking pinaggagawa. At dito... inaasahan kong marami akong makikilalang mga kaibigan at mga taong magbibigay sa akin ng inspirasyon sa pagsusulat.

Ang Iba't Ibang kong Karinderya

Home | About | Contact

Copyright © 2008 - sa puso at isip -

All Rights Reserved | Website Customization and Header design by RUTHINIAN

  © Blogger template Leaving by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP