nais nyo bang maging KABIT?

Thursday, July 31, 2008

Eto ang siste. Ang tagal ko nang hinihikayat ang bunso kong kapatid na gumawa ng sariling blog dahil alam kong marunong naman siyang magsulat at maraming siyang maaaring ibahagi sa mundo ng blogging. Pero palibhasa'y abala sa gimikan, trabaho at higit sa lahat talaga namang may katamaran ding taglay... puro palusot ang maririnig mo.

Eto ang milagro. Sa wakas nahikayat ko rin siyang gumawa ng blog. Laking tuwa ko dahil kahit papano eh sumunod din si Bunso kay Ate. Gumawa ng isa. At parang batang nakatikim ng bago... aba eh, kinabukasan ay gumawa na naman ng isang pang blog. Samakatwid, 2 na ang blog niya. At masaya na sana ako pero...

Eto ang problema. Palibhasa eh abala nga sa maraming bagay at medyo hindi rin siya gaanong marunong sa computer, ako ngayon ang gumawa ng lahat mula sa lay-outing, designing ng header, at iba't-ibang kolorete sa websites niya. Sa madaling salita ako ang babysitter ng blog niya at ang ginagawa lang niya ay magsulat at ako pa rin ang mag-edit at mag lagay ng mga images don.

Eto ngayon ang tanong. Gusto nyo bang madagdagan ang inyong links? Nais nyo bang madagdagan ang inyong traffic? Kayo ba ay naghahanap ng iba pang blog para i-promote ang inyong blog? Naghahanap ba kayo ng mas maraming kaibigang bloggers? NAIS NYO BANG MAGING KABIT? Pwes... eto na ang pagkakataon ninyo... hulong at makikabit na kayo sa blog ng Utol ko... bagong-bago... batang-bata... mabangong-mabango pa... at wala pang masyadong kumakabit. Hala, mag-iwan lang kayo ng mensahe sa kahon at malugod ko kayong ikakabit sa blog ng Utol ko.

ang QUEUE-less

ang sleep-deprived... caffeine-fueled LIFE


PAUNAWA! "Offer is good while supply last". (JOKE!)

Read more...

may PR ako

Saturday, July 26, 2008

Yipeeee!!! May PR ako. Akalain mo, sa dinami-dami ng blogs ko, eto pang kaisa-isa kong tagalog blog ang nagkaroon ng PR. Galing ng Pinoy!

Ewan ko ba. Baka naman dahil di nila naiintindihan ang mga nakasulat dito. Baka kaya dahil masasarap tingnan ang mga litrato dito. O baka, nagkamali lang sila dito. Pero sa puntong yan... WALANG BAWIAN!

Basta masaya ako kasi may PR ako. Basta masaya ako kasi kahit papano napansin ang blog ko. Basta masayang-masaya ako.

May PR ako... sayang lang di ko mapagkakakitaan ito kasi tagalog lang. May PR ako... sana ung iba din blogs ko magkaroon lalo na yong pinagkakakitaan ko. May PR ako... at gusto kong pasalamatan ang board of judges sa aking award. (Pasensya po... nadala ako... akala ko FAMAS)

Read more...

sa wakas

Tuesday, July 22, 2008

Sa wakas, matapos ang ilang linggong pag-iisip at pagsusunog ng kilay, natapos ko rin ang matagal ko nang proyekto. Ang proyektong maraming gabi rin akong pinuyat sa kakaisip. Ang proyektong maraming beses din nagpasakit ng aking ulo. At ang proyektong maraming pagkakataong halos sukuan ko.

Sa wakas, eto na ang bunga ng aking pawis. Eto na ang bunga ng aking pagtitiyaga. At eto na ang bunga ng malikot kong isipan.

DYARANNNNNNN! Ang mga "headers" ng lima kong BLOG:

1. Ang "Ruthi's breathingSpace".
Ito ang pinaka-una kong blog na naglalaman ng kahit anong maisipan ko. Dito ko sinusulat ang ano mang bagay na basta lang pumasok sa aking isip - mga pang-araw-araw na engkwantro ko sa buhay... pambihira o ordinaryong karanasan... reklamo/komento/rekomendasyon sa mga bagay-bagay, sitwasyon at panahon... at ano mang bagay or walang kabagay-bagay para lang meron akong magawa at makahinga naman... hayyyyy.


2. Ang "a Carpenter's WIFE's tool box".
Dito sa blog na ito naisisiwalat ko ang aking mga karanasan, pakikibaka at mumunting bagay na bahagi ng aking buhay bilang isang "Maybahay" ng Karpintero.


3. Ang "my REFUGE".
Ito ang Blog ko sa mga dati kong mga likha na medyo seryoso ang tema. Medyo mahahaba ang mga panulat dito dahil seryoso ako ng sinusulat ko yon.


4. Ang "Gregoire Construction".
Ah,ito ginawa ko lang ito para sa asawa ko... adbertismen lang ba para sa hanapbuhay niya. Ginawa ko ito, para patunayan na mabuti akong asawa.


5. At syempre ang "sa puso at isip".
Dito... dito naisisiwalat ko ang aking mga hinaing at reklamo... pangangamba at sintemyento... kaligayahan at hinagpis... at lahat ng mga bagay na di ko ma-ingles.


Hayyyyy, salamat! Ngayon makakatulog na ako ng mahimbing. Ngayon makakahinga na ako ng maluwag. At ngayon... aasikasuhin ko naman ang pagsusulat.

Read more...

transisyon

Sunday, July 13, 2008


Kamakailan lang ay nagbakasyon kami ng aking asawa para i-celebrate ang aming isang taong anibersaryo ng kasal. Isang taon na ang nakalipas at sa awa ng Diyos ay kami pa rin. Sabagay, isang taon pa lang naman yon kunpara sa mga ibang mag-asawa na nag-celebrated ng kanilang ginintuang anibersaryo. Ay naku, hindi ko na yon pinapapangarap dahil tiyak na di na namin aabutin pa yon. Bakit? Eh hindi ako sigurado na aabot pa itong asawa ko ng isang daang taon. Yan ang hirap sa mga pahulihin sa pag-aasawa eh.

Sa isang taong paggiging asawa ng isang "kano" marami akong natutuhan. Maraming pagbabago ang aking pinagdaanan. At maraming sakripisyo akong binatbat. Di naman sa ako'y nagrereklamo, kung tutuusin, marami din sa mga pagbabago na yon ay nakabuti sa akin. At marami din sa sakripisyo na yon ang naging dahilan para lalo akong maging matatag. Nabuksan ang aking mga mata sa katotohanan ng buhay. Nabuksan ang aking isip sa hiwaga ng buhay. At nabuksan ang aking puso sa realidad ng buhay.

Hindi naging madali ang pagbabago. Hindi naging magaan ang pinagdaanan ko. At hindi naging maginhawa ang buhay gaya ng inaakala ko. Pero sa kabila ng lahat unti-unti kong natanggap ang buhay na aking pinili. At kung meron mang isang bagay na nagbago sa akin na sa tingin ko ay tiyak kong ikatutuwa ng maraming taong kilala ko... yaon ay ang aking pagiging pasensyosa.

Paano naman hindi ako magiging pasensyosa? Paano naman ako hindi magiging mahinahon? Paano naman ako hindi magiging mabait? Sa tuwing nagagalit ako, dedma na lang ako. Sa tuwing susumpong ako, kalilimutan ko na lang yon. Sa tuwing masama ang loob ko, di ko na lang papansinin yon. Kasi naman... ang hirap inglisin ng galit ko... kaya tatahimik na lang ako.

Read more...

reklamo

Friday, July 11, 2008

Eto na naman ako at maglalabas ng mga hinaing.
Eto na naman ako para ibulalas ang mga personal na reklamo.
Eto na naman ako para mag reklamo ng walang katorya-toryang bagay.
Eto na naman ako para ihinga ang mga mumunting bagay na walang kwenta.

Bakit nga ba ang tao masyadong mareklamo?
Bakit konting bagay laging may pintas?
Bakit kahit maayos ang sitwasyon may problema pa rin?
Bakit pag husto na may kulang pa rin?

Isang bagay ang natutunan ko sa aking paglisan sa lupang sinilangan.
Isang bagay na nagturo sa akin na baguhin ang aking di magandang pag-uugali.
Isang bagay na sa tingin ko ay napabuti dahil ako ay naging mas mahinahon.
Isang bagay na mahalagang sangkap upang maging maganda ang takbo ng isang relasyon.


Itigil ang reklamo at ituloy ang buhay!

Read more...
Blog Widget by LinkWithin

Isang Paglilinaw

Dito... dito gusto kong maging malaya. Malayang isiwalat ang laman ng aking PUSO at ISIPAN sa pamamagitan ng mga makabuluhang sulatin. Dito ko malayang isusulat at ibabahagi ang aking mga sarili karanasan, inspirasyon, pagmumuni-muni tungkol sa buhay-buhay at mga hiwaga nito. Dito... tagalog lang po. Maaring may mga ilang kataga o salitang maisusulat ako sa wikang ingles, subalit iyon ay dahil maaring walang kaukulang salitang tagalog na kahulugan para sa salitang ingles. Pero lalagyan ko ng " kudlit " (kung ito nga ang tawag sa simbolong iyon). Dito... maipapahayag ko ng may kapanatagan ng loob ang aking mga adhikain na walang pangamba na mali ang aking pinaggagawa. At dito... inaasahan kong marami akong makikilalang mga kaibigan at mga taong magbibigay sa akin ng inspirasyon sa pagsusulat.

Ang Iba't Ibang kong Karinderya

Home | About | Contact

Copyright © 2008 - sa puso at isip -

All Rights Reserved | Website Customization and Header design by RUTHINIAN

  © Blogger template Leaving by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP