Wagi ang Lola Nyo! Salamat kay La Aunor

Saturday, November 29, 2008

Masarap ang tagumpay. Masarap ang pakiramdam noong una akong nananalo. At mas masarap pala ang pakiramdam ng pangalawa.

Take two na ito. Yep! Sa pangalawang pagkakataon, nakuha na naman ng Lola nyo ang pinakamataas na karangalan sa larangan ng pelikula blagging. Opo. Nanguna na naman po ang blag na ito sa ika-136 na linggo sa Filipino Blog of the Week Award. At Opo ulit. Hall of Fame na po ako. Bwahahahahaha. Sa wakas, feel na feel ko na ang aking tagumpay. Salamat kay TalkSmart para sa pagkakataong ibinigay mo na mapasama ang sa Puso at Isip sa listahan ng mga Blog Awardees. Isa itong karangalan.

At marami na naman akong pasasalamatan:

Unang-una si Ate Guy, ang aking inspirasyon. Ang kanyang mga makabagbag damdaming awitin gaya ng Paru-parung Bukid, na nagpapabalik sa mga masasayang alaala ng aking kamusmusan habang sumasayaw kami ang aking pakner sa ilalim ng init ng araw noong Field Day namin sa school. Ang Pearly Shells, My Little Grass Shack at Tiny Bubbles na pawang paborito kong awitin at mga naging No. 1 sa Billboard noong dekada setenta dahil sa kanyang Blockbuster Movie na Blue Hawaii kapakner si Kuya Pip. Parang sinakluban ng langit at lupa ang mga fans ni Ate Vi at Kuya Bobot noon. Hmmmmm... kaya naman halos isang linggo din ako di kinakausap ng aking bespren noon dahil Vilmanian siya at Noranian ako. Hmmmmmpf ulit. Eh bakit ba, eh sa mas magandang kumanta si Ate Guy kesa kay Ate Vi na boses ipis. Ikaw ba naman ang maging Champion sa Tawag ng Tanggalan Tanghalan at panay ang awit habang nagtitinda ng tubig sa may riles ng tren.

Pangalawa, sa aking Pamilya. Of course, di puedeng di sila pasalamatan dahil full-support sila sa akin. Sila ang araw-araw na bumoboto sa akin dahil wala silang choice mahal nila ako. Dahil pinakabitan ko sila ng internet para lang iboto ako naniniwala sila sa aking kakayahan sa makabagong literatura. Naks! Sa aking Hipag na si Cherry, dahil sa kanyang walang sawang pagnonobena at pagrorosaryo para lang malampasan ko ang pagsubok na ito pagboto sa akin. At sa aking kapatid na si Japol, na nag-file ng leave of absence ng 2 linggo sa kanyang trabaho para lang baybayin lahat ang internet cafe sa buong Menila para lang iboto ako. Dahil isang beses lang puedeng makaboto dahil blocked na agad ang IP Address pagkatapos ng isang boto.

Pangatlo, sa aking milyong-milyong tagasubaybay. Sa mga taong walang sawang tumatangkilik ng aking blag. Sa mga kapwa ko blaggers na bomoto sa akin. Sa mga taong nauto ko naging bahagi ng aking buhay bilang blagger. Sa aking mga dating estudyante na hanggang ngayon ay sumisipsip nagtitiwala pa rin kay Ma'am. Sa aking mga friends sa Friendster [may blag din po ako don, ung Nagging Thoughts], na walang sawa ding nagviview ng aking profile don at mega-comment pa... Tenkyu Guys! You Rock! At para din sa aking mga naging kalaban... inaalay ko rin sa inyo ang award na ito. [Oh ayan, no hurt feelings ha].

Naniniwala ako na mabait ako. Naniniwala ako na isa akong mabuting tao. Naniniwala ako na magaling ako kaya ako nanalo. At syempre gaya ng mga artistang tumtanggap ng Famas Award, nagpapasalamat din ako kay Lord. Nagpapasalamat ako doon sa nasa itaas. Nagpapasalamat ako kay Lord... pero Lord wag mo muna akong kukunin... dahil may siyam pa akong blags!

PATALASTAS: Sa isang linggo baka po si Victor Wood naman ang magiging Guest Artist ko sa aking Jukebox. Sana po ay suportahan natin ang Pinoy Musik!

Read more...

Nitong mga Nakaraang Araw

Monday, November 24, 2008

Nitong mga nakaraang araw, napansin kong puro reklamo at hinaing ang tema ng mga posts ko sa ibang blogs ko. Hindi ko naman sinasadyang maging ganon ang tema ng post ko. Nagkataon lang siguro na masama ang panahon dito sa parte ng mundong kinalalagyan ko kaya nadala na rin ako.

Nitong mga nakaraang araw, di ko mapigilan na ibulalas ang nilalaman ng dibdib ko sa pamamagitan ng pagsusulat. Wala kasi akong makausap dito kaya mabuti na daanin ko na lang sa sulat kesa kausapin ko ang pader. Mahirap na at baka biglang sumagot eh makasanayan kong ang pakikipag-chikahan sa wall at kompitensyahin ko pa ang Kumare kong si Sisa.

Nitong mga nakaraang araw, matindi rin ang pangangailangan ko kaya kahit ano na lang maisipan ko, isinusulat ko. Kahit walang kwenta o walang katuturan sige pa rin ako dahil kailangan ng interim para sa aking mga raket sa paid post. Ang hirap palang mag-isip pag wala kang maisip or worse, wala kang isip.

Nitong mga nakaraang araw, dahil kabi-kabila ang pagsusulat ko para maka-quota ako sa raket ko halos di ko na maramdaman ang utak ko. Sabagay di naman talaga nararamdaman yun, alam mo lang meron ka non [kahit gaano kaliit man ito]. Ang ibig kong sabihin mabuti na lang at kahit papano eh may gana pa akong mag-isip.

Nitong mga nakaraang araw, napagod ako sa pagsusulat kaya ngayon ay balak kong magpahinga. Magpapahinga muna ako sa pagsusulat at pagpopost sa mga blags at ako muna ay magscrapbooking. Para maiba naman. Para kunwari ay bisibisihan pa rin ako. Para kunwari ay talentado ako. Para kunwari ay normal pa rin ako.

Read more...

Panalo ang Lola nyo!

Saturday, November 22, 2008

Hay, pagkatapos ng isang linggong pangangampanya, lumabas na rin ang resulta ng botohan... panalo ako. Yehey! Ganito siguro ang feeling ni Obama noong nalaman niyang nanalo siya bilang Presidente ng 'merika.

Hay, pagkatapos ng isang linggong pagmamakaawa sa mga tao na iboto ako, heto at namamayagpag ang beauty ko... nanalo ako. Yehey! Ganito siguro ang pakiramdam ni Ate Guy noong humahakot siya ng Famas Award.

Hay, pagkatapos ng isang linggong pagngangalumata dahil di ako makatulog sa kakaisip, ayan at inilabas na desisyon... panalo nga ako. Yehey! Ganito siguro ang damdamin ni Freddie Aguilar kaya luwa ang kanyang mata [laging puyat or may iba pang siyang ginagawa].

Hay, pagkatapos ng isang linggong botohan eto naman ako at magpapasalamat sa mga taong pinagkakautangan ko ng loob... dahil nanalo nga ako. Yehey! Maraming salamat sa mga taong nagmamahal sa akin... sa mga taong naniwala sa aking kakayahan... sa mga taong aking binayaran, tinutukan ng baril, at natrauma sa aking pamba-blackmail... at sa aking pamilya sa walang sawang pangungulit ko... kay Ricky Reyes para sa aking hair do... at sa baul ng lola ko para sa aking outfit... at higit sa lahat kay TalkSmart para sa natatanging Award na ito... ang Filipiono Blog of the Week. [Applause]

Hay, pagkatapos ng isang linggong botohan eto na naman ako at mangangampanya na ulit... dahil gusto ko uling manalo. Yup! Kasali po ulit ako para sa pangalawang linggo. Yup! Todo na po ito. Pang HALL of Fame naman po ang drama ko ngayon. Kaya PLEASE LANG PARANG AWA NYO NA IBOTO NYO AKO! ang entry ko ay "ruthigavargregoire" at ito yon... itong blog na binabasa nyo ngayon ang entry ko... kaya please pa-boto naman ulit oh. Eto ung link i-click nyo... nasa "side bar" po ang POLL nakalagay VOTE NOW! Ako ang nangunguna sa listahan kaya madaling hanapin. Salamat po ulit.

[Yun lang Direk! CUT! Pack-up na tayo.]

Read more...

Nakakamiss si Pogi

Wednesday, November 19, 2008

Hayyy... buhay! Ang hirap pala talaga ng buhay dito sa 'merika. Sabagay kahit naman noong nasa 'pinas ako alam ko namang mahirap dito. Ang problema lang kasi noon di ko nararanasan pa kaya sa isip ko okay lang. Sa isip ko kakayanin ko. Sa isip ko kayang-kaya ko. Di pala.

Hayyy... buhay! Buti pa sa 'pinas pag tambak na ang labada ko di ako aburido. Kumpas lang ng magic wand ko ayos na ang labada. Ang ibig kong sabihin, tatawag lang ako ng labandera, di ko na problema pati plansta.

Hayyy... buhay! Ang bahay kahit di ko linisin okay lang din. May darating para maglinis. Minsan puede rin ang mga estudyante kong babaksakin ang maglinis. Pabor sa kanila yon dahil special project yun kay Ma'am para di mahulog at pumasa sa subject. Pero wag namang isiping sinamantala ko ang kapangyarihan ko. Naisip kong gawin yun minsan pero... peksman, di ko ginawa. Nakakakunsyensya kasi.

Hayyy... buhay! Sa 'pinas pag muka ng talahiban ang aming bakuran, may "Poging" [Pogi ang pangalan ng hardenero ko] magtatabas bago ko matagpuan ang sarili kong nakikipagpatintero sa mga ahas. Si Pogi na rin ang magkudkod ng lumot sa semento at hagdanan bago ako magkandahulog sa hagdan suot ang aking 3 pulgadang stiletto. Si Pogi na rin ang taga walis at taga sunog ng mga dahon.

Hayyy... buhay! Nakakamiss ang maging donya... miss ko ang spa... at higit sa lahat miss ko yung pakuyakuyakoy at di iniisip ang gawaing bahay. O sya... makapaglaba na nga at pagkatapos ay magwawalis pa ako ng sandamakmak na tuyong dahon ng maple trees. Nakakamiss talaga si Pogi [kahit di siya kapogian].

Read more...

Kagat na ang Dilim

Monday, November 17, 2008

Kagat na ang dilim pero alas singko pa lang ng hapon. DST na kasi kaya iba na ang oras ng pagsikat at paglubog ng araw.

Kagat na ang dilim at medyo malamig na ang simoy ng hangin. Malapit na ring magyelo kaya ang damuhan ay di na kasing-berde gaya ng dati.

Kagat na ang dilim at habang lumalalim ang gabi, lalong paginaw ng paginaw ito. Ito yung panahon na makakatipid kami sa tubig dahil nakakatamad maligo.

Kagat na ang dilim at puro huni ng kuwago ang naririnig ko sa paligid. Nakakatamad ng lumabas ng bahay pag ganitong gabi di gaya noong summer alas otso na ng gabi may araw pa.

Kagat na ang dilim, kelangan nang pumirmi ng bahay. Kagat na ang dilim, makapasok na nga at baka ako makagat!

Read more...

Namiss ko ang mga Patay

Thursday, November 6, 2008

Namiss ko ang mga patay kasi magdadalawang taon na ako dito sa Maine. Ito ang pangalawang taon ko na di ako naging abala sa pagbili ng kandilang iba-iba ang kulay... iba-iba ang hugis... iba-iba ang amoy.

Namiss ko ang mga patay kasi ito ang pangalawang taon na di ako nag-aatubiling bumili ng mga bulaklak. Ito ang pangalawang taon na di ako nahirapang magdisisyon kung rosas ba o deysi... kung orkids ba o karnesyon... kung bokey ba o nakabasket ang bulaklak na bibilhin ko.

Namiss ko ang mga patay kasi ngayon lang ako di namuroblema kung nalinisan na ba ang puntod... kung nakapagpailaw na ba [tiyak na tumaas na naman ang singil sa pailaw dahil tiyak nagtaas na naman ang Meralco]... kung nakapagpamisa na ba para sa kaluluwa.

Namiss ko ang mga patay kasi ito ung mga panahon na masaya sa sementeryo. Ito ung mga panahon na dumarating ang aking mga kamag-anak na matagal na di ko nakikita. Mga kamag-anak na nakikita ko lang pag may ililibing na kamag-anak na namatay o papatayin pa lang [ehe, mamamatay pa lang]. Ito rin ang panahon na naa-update ako sa mga tsismis ng aking mga kamag-anak at pinagkukwentuhan ang mga di masyadong ka-bati na kamag-anak.

Namiss ko ang mga patay kasi masaya ang Araw ng mga Patay. Kung paano masaya ako pag may lamay dahil may libreng kape, kornik, chippy, white rabbit at ang favorite ko... pemiento sandwich at Hi-C na juice. Pag ganitong Araw ng mga Patay... marami ding pagkain at inumin. Minsan may kantahan din.

Bigla kong namiss ang mga patay kasi nabasa ko sa blag ng Anak ni Kulapo... ung post niya na Patay Tayo Dyan. Nalungkot akong bigla kasi dumaan ang Undas at di ko na naman naranasan ang pinakapaborito kong Holiday. At higit sa lahat... nalungkot ako dahil wala akong pera. Kaya ng nabasa ko sa blag ni Buraot na may paeklat siyang SikatChupoy hala nakisali na rin ako. Opo! Bigla kong namimiss ang mga patay pag ganitong wala akong kapera-pera. Kaya eto at gumagawa ako ng pera dahil pag nanalo ang post kong ito na "Official Entry to the SikatChupoy Contest"... magkakapera ako dahil may premyo daw ito. Sana nga. Sana nga totoo ito. [Sana di manunuba si Buraot.]



Bigla kong namiss ang mga patay kasi dito sa Isteyt walang kabuhay-buhay ang Araw ng mga Patay. Dito walang katao-tao sa sementeryo... puro patay lang. Di gaya sa atin sa Pinas magkakajamming ang mga buhay at patay. Mas mahalaga sa mga Kano ang Halloween at magsuot ng mga nakakatakot o nakakatawang costumes. Mas mahalaga sa kanila ang magdecorate ng pumpkin at kumain ng pumpkin pie at mamudmod ng tsokoleyts. Tama si Buraot, ng sinabi niya sa post niya...

Na-miss ko tuloy ang undas sa atin. Kasi sa atin, parang picnic sa sementeryo. Me wala pang videoke. Wantusawa din sa tanpuluts. At di mo na rin kelangan pang gumastos ng milyun milyung singkong kulot. Me lapad ka lang at baong wento, katalo na. Enjoy ka na, tipid ka pa.

San ka pa?



Nakakamiss talaga ang mga patay. Pero sana huwag muna ako mamatay.

Read more...

Ganito Kita Kamahal


Asus, wag naman isipin na wala na akong maisulat dito. Bisi-bisihan po ako nitong mga huling araw at kabado sa magiging resulta ng eleksyon dito sa 'merika bagama't di naman ako botante. Wala lang. Siguro dala ng pagiging damdaming Pinoy.

Eniwey, eto at may nagpadala sa akin ng "Award"... na tag ba kamo ako. Para kay Rechie ng My HideAway... salamat Amiga. Isang karangalan ang makatanggap ng iyong pagMamahal. Drama ko noh? Aba masaya ako noh, kahit papano eh napansin ang blag ko. Kahit papano eh may nagtiyaga sa blag ko. At kahit papano ay may silbi rin itong blag ko kahit pa ito ay pasahan ko lang ng mga reklamong di ko masabi o maisulat sa English.


May rules pa ang nasabing award na ito. Idikit ang pangalan ng taong nagMAHAL sa'yo ('yung nagbigay ng award sa'yo). Ilathala sa blag mo. Igawad ang nasabing award sa pitong taong MAHAL mo. At ipaalam sa kinauukulan mga taong ginawadan ng award na sila ay nakatanggap nito.

At para ikalat ang pagMamahal... eto at ipapasa ko ang award na ito sa mga seryosong blaggers na nakilala ko dito sa lupain ng blags. Mga blaggers na nagbigay sa akin ng inspirasyon. Mga blaggers na mistulang bayani sa mundo ng blags.


Anak ni Kulapo. Bago ko lang itong nakilala pero "at home" ako dito eh. San ka pa Pinoy na Pinoy. Kaya pag namimiss ko ang Pinas, dito ako tumatakbo. Magaling magsulat ni Buraot, napag-iisip niya ako at nagagamit ko ang utak ko paminsan-minsan pag nababasa ng kanyang mga lathala.

Toilet Thoughts of a Toxic Mind. Enjoy din akong tumambay dito. Isa ito sa mga una kong nakilala dito at magaling magsulat si Jepoy. Seryoso minsan pero may hint ng witty humor. Malalim ang imahinasyon ng taong ito.

Klitorika. Siya ang salamin ng bagong babae. Siya ang makabagong babae. Siya ang kakaibang babae. Magaling ding magsulat ang Babaeng ito. Matapang ang mga pananaw at independent-minded. Isa siyang matatag na babae na di kailangan ng isang lalake para umikot ang kanyang mundo... dahil nasa DNA din niya iyon.

All Best of the Philippines. At siyempre ito gusto ko rin kasi Pinoy. Lahat ng magagandang lugar sa Pinas nandito. Mga lugar na di ko pa nararating at pinapangarap na marating. Dito ako nakakakuha ng ideya kung saang lugar ang susunod na lakwatsa.

The Life of an Oregano Addict. Etong si Piebuko paborito kong puntahan ang blag nito pag gusto ko ng intriga. Masayang magsulat ito. Magaling magpaapoy ng damdamin kaya grabe naman ang mga comments sa post niya pero, puro naman Anonymous... mga walang lakas ng loob na magpakilala. Pero promise, magaling nitong magsulat maadik ka rin.



Mad about FAD. Eto loves ko. Kasi kamag-anak ko ito. Pasensya kung ginamitan ko ng nepotismo ang blag na ito. Blag ng utol ko ito. Siyempre utol eh so mahal ko talaga ito. Dito ko nabubuking kung ano na naman ang pinagkakagastusan ng utol ko. Dito buking siya pag may bago siyang biniling gadgets or may bagong gimik. Kaya madalas kong masabon ito eh.

Ang Bukal. Eto gawa kong blag para sa mga dati kong estudyante. Dadalawa pa lang ang nakasulat dito kasi walang nagsasabmit ng entry eh. Mahal ko ito dahil ako ang gumawa nito eh. Sana pasyalan nyo ng magkatraffic naman.

O sya... hayan na lahat. Para sa mga kinauukulan kung interasado kayo sa mga ibinigay kong award daklutin nyo na. Bahala na kayo kung pano nyo isulat ito. Kanya-kanyang gimik na ito. Kung hindi at di ninyo type... no problemo... no hurt feelings. Di ako pusong mamon. Ang gusto ko lang sabihin, buti na lang may ganitong award-awaran at kahit papano eh may naisulat ako dito.

Read more...
Blog Widget by LinkWithin

Isang Paglilinaw

Dito... dito gusto kong maging malaya. Malayang isiwalat ang laman ng aking PUSO at ISIPAN sa pamamagitan ng mga makabuluhang sulatin. Dito ko malayang isusulat at ibabahagi ang aking mga sarili karanasan, inspirasyon, pagmumuni-muni tungkol sa buhay-buhay at mga hiwaga nito. Dito... tagalog lang po. Maaring may mga ilang kataga o salitang maisusulat ako sa wikang ingles, subalit iyon ay dahil maaring walang kaukulang salitang tagalog na kahulugan para sa salitang ingles. Pero lalagyan ko ng " kudlit " (kung ito nga ang tawag sa simbolong iyon). Dito... maipapahayag ko ng may kapanatagan ng loob ang aking mga adhikain na walang pangamba na mali ang aking pinaggagawa. At dito... inaasahan kong marami akong makikilalang mga kaibigan at mga taong magbibigay sa akin ng inspirasyon sa pagsusulat.

Ang Iba't Ibang kong Karinderya

Home | About | Contact

Copyright © 2008 - sa puso at isip -

All Rights Reserved | Website Customization and Header design by RUTHINIAN

  © Blogger template Leaving by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP